Llamas pinakakasuhan, pinagbibitiw sa puwesto

HINAMON ni AGHAM Partylist Rep. Angelo Palmones ang Philippine National Police (PNP) na kasuhan si Secretary Ronald Llamas.

Sinabi ni Palmones na kung hindi magkakaso ang PNP ay maghahain siya ng resolusyon upang panghimasukan ng Kamara ang isyung ito at makapagsagawa ng malalimang imbestigasyon.

Ayon kay Palmones, maliwanag ang ginawang paglabag ni Llamas sa pagdadala ng mataas na kalibre ng baril na nakita sa kaniyang sasakyan habang dala ng kaniyang mga bodyguards ang kaniyang sasakyan.

Bagama’t pinapayagan aniya ng batas na magkaroon ng armas ang mga opisyal ng gobyerno, hindi kasali ang high-powered firearms sa mga dapat pagmamay-ari nila.

Tinuran pa ng mambabatas na kung tapat ang pamahalaan na ipatupad ang matuwid na landas, gawin nilang halimbawa ang kaso ni Llamas.

“Bakit sibak lang? Dapat makasuhan sila ng illegal possession of firearms,” ani Palmones.

Hinamon din ni Palmones si Llamas na magbitiw na sa puwesto matapos ang iskandalong umuga sa administrasyon.

Sinang-ayunan naman ng ilang kongresista ang agad na pagsibak ni Llamas sa kaniyang mga bodyguards na nahulihan ng AK-47 rifle na inamin ng kalihim na kaniyang pag-aari.

“He did the right thing because our staff should never abuse their position as well, their actions will reflect on us,” ayon kay Ang Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy.

Pinagpapaliwanag naman nina Davao Rep. Karlo Nograles at House Asst. Minority Leader Mitos Magsaysay si Llamas kung paano niya nakuha ang armas at kung paano ito nagkaroon ng lisensya gaya ng pagbubunyag ng kalihim na ito ay lisensyado.

“Dapat ipaliwanag nya ang detalye ng mga baril nya, saan nya binili, lisensyado, may permit to carry ba at paano nabigyan ng lisensya gayung hindi binibigyan ng PNP ng permit ang assault rifles. Sino ba talaga at bakit dala ang kotse nya? Dapat kasuhan ang mga lasing. Accountable sya sa lahat ng ito at dapat lawmakers tayo at ‘di law breakers,” sinabi naman ni Magsyasay.

Ang utak wang-wang naman na kagaya ni Llamas kasama ang kaniyang mga bodyguards ay dapat ng tanggalin sa puwesto ayon kay San Juan Rep. JV Ejercito. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply