Llebo kwatro na si Pia Guanio dapat lang mag-asawa na

SO IKINASAL na pala si Pia Guanio sa non-showbiz boyfriend n’yang si Steve Mago. Sa pamamagitan ng isang Born Again Christian ceremonies sila ikinasal kamakailan at ang nag-officiate umano nito ay si Paulo Punzalan, isa sa mga anak ng yumaong Helen Vela sa naging legal husband n’ya noon na walang iba kundi ang sikat na sikat na radio broadcaster na si Orly Punzalan. Which means, kapatid na buo ni Princess Punzalan si Paolo. (Kundi n’yo pa alam, may half-brother sila na iba ang ama, at mas bata sa kanilang dalawa.)

Mabuti naman at nakapag-asawa na ang masipag at matalinong TV host. Magpo-40 years old na siya, o baka nga lagpas pa. Alam naming hindi na siya bata, dahil ka-batch siya ng isang dating kasamahan namin sa broadsheet na pinagtrabahuhan namin noon. Kung mas late pa siya mag-aasawa, baka hindi na siya magkaanak. O baka delikado na para sa kanya na magbuntis.

Of course, ina-assume lang naman namin na gustong magkaanak ni Pia. Pwede rin namang ayaw na niyang magkaanak pa. At sana nga, kung ayaw nang magdalantao ni Pia pero gusto n’yang maranasan ang magpalaki ng bata, sana ay mag-ampon silang mag-asawa nang ligal para mabawasan naman ang mga bata sa bahay ampunan dito sa ating bansa. (Mas madali na yata ang mag-ampon kesa magbayad nang malaki sa mga fertility clinic para lang magkaanak, magpakahirap magdalantao at gumastos nang katakut-takot sa panganganak.)

Hindi namin alam kung pro-RH Bill si Pia, pero sana ay oo. At kung pro-RH Bill siya, sana ay ipaalam n’ya yon sa mga senador para maengganyo ang mga mambabatas natin na aprubhan ang naturang proposed law. Pero ang nabalitaan namin kamakailan lang na pro-RH Bill ay si Aiza Seguerra. Nadagdagan ang paghanga namin kay Aiza dahil sa ipinahayag n’ya sa isang media interview na itinataguyod n’ya ang pro-RH Bill para sa kapakanan ng mga kababaihan at para sa pag-unlad ng bansa.

Bilib kami kay Aiza bilang singer. Natutuwa nga kami at na-grant ang wish namin na mapanood siya sa concert nila ni Cookie Chua sa Music Museum na Love Jazztified nung Oktubre 7 ng gabi. Akala namin ay di namin mapanonood yon dahil di namin alam na kakilala pala kami ng publicist ng show.

Nagulat na lang kami na a few nights before the concert, pinadalhan kami sa Facebook ng message na kinumbida kaming manood ng show. Ang nangumbida ay ang katoto namin sa panulat na si Roel Villacorta na siya palang publicist ng concert para sa Greenlight Events and Productions.

Nakalulula ang husay kumanta nina Aiza at Cookie. Kumpara ru’n sa TV host na nag-concert sa Araneta Coliseum kamakailan, di-hamak na mas magaling kumanta sina Aiza at Cookie. May timplang jazz ang show, pero di naman jazz na jazz ang istilo ng dalawang magkaibigan. Hindi yung jazz na may scatting, yung jazz ni Richard Merck. Jazz na mala-Linda Ronstad ang jazz nila. Jazz na may pagka-torch singing. Pero may halong rock din ang show, at sa rock numbers nga nagsimulang kumanta na magkasama yung dalawa. They opened with Elvis Presley’s Get Ready for Love, na sinundan ng I Feel the Earth Move na pinasikat ni Carole King.

Pagkatapos ng opening duet songs nila, si Cookie muna ang nagsolo ng mga pito o walong kanta. Alam n’yo bang kahit hindi lesbian si Cookie, paminsan-minsan boses lalake siya pag nagsasalita? Malat kasi ang speaking voice niya at may kagaspangan. Pero pag kumakanta na siya, babaeng-babae na ang boses n’ya. Para na siyang anghel na bumaba sa lupa para umawit. Mataas ang pitch ni Cookie, abot-langit. Pero hindi sa istilong parang nangangalit at tumitili na siyang nakaririnding istilo nina Regine Velasquez at Zsa Zsa Padilla. Ang ilan sa mga naalala pa namin hanggang ngayon na kinanta ni Cookie ay ang mga old time favorites na You Don’t Know Me, I ‘ll Be Seeing You, Smile at Always Something There to Remind Me.

Kinanta rin n’ya ang napasikat n’ya noon na Paglisan, siyempre pa. (At yon ay nung panahong buo pa ang bandang “Color It Red” na siya ang lead vocal singer na naggigitara rin.)

Tiyak na alam n’yo nang lalaking-lalaki na ang itsura ni Aiza na matagal na ring ipinakita sa mundo ang pagiging napakadisente at napaka-talented n’yang lesbian. Pero pag kumakanta na si Aiza, babaeng-babae ang boses n’ya, ang hagod n’ya, pati na ang kilos ng mga kamay n’ya.

Pagkatapos ni Cookie ay si Aiza naman ang bumanat ng solo numbers. She opened her segment with the super romantic The Look of Love, na ang biro ni Cookie ay dedicated daw kay Chen, ang longtime girlfriend ni Aiza (na posibleng andu’n sa audience nung concert, pero hindi siya in-acknowledge at pinatayo ni Aiza).

Sinundan yon ng mga kantang Someone to Watch Over Me at Till There Was You. May Filipino suite din siya na kinabilangan ng nagpasikat sa kanya nang husto bilang singer: ang Pagdating ng Panahon at Akala Ko.

Pinerform din n’ya ang Pakisabi Na Lang. Tapos ay bigla siyang nag-shift sa rock by doing I Saw Her Standing There at ilang rock numbers pa na di namin alam ang mga titulo. Makapanindig balahibo ang version n’ya ng Bridge Over Troubled Water.

Then nag-duet sila uli ni Cookie ng iba pang bilang.

Actually, hindi silang dalawa lang ang magaling sa concert na yon. Nagulat kami na napauwi pala nila si Tots Tolentino mula sa Singapore para maging bahagi ng band at mag-solo interlude sa saxophone sa napakaraming bilang ng show. Si Tots nga raw ang talagang jazz sa show, ayon kay Aiza.

Pero very impressive din ang solo interludes sa piano ni Ria Villena-Osorio, na anak ng pamosong musical director na si Mel Villena (at misis ng dati naming kasamahan sa broadsheet na si Dexter Osorio). Sa pagbibiro lang kay Ria sumungaw nang konti ang pagiging lesbian ni Aiza. Dahil open na open si Aiza sa paghanga kay Tots, tinutukso siya ni Cookie na magtatampo si Riana sinasagot naman ni Aiza na “Huwag ka nang magtampo, dahil alam mo namang andito ka (sabay turo sa didbdib n’ya).

Ang dating publicist nga palang si Calvin Neria ang director ng show. Noon pa naman ay alam na naming magaling magdirek si Calvin. Napakilos nga n’ya at napagtiyagaang idirek sa isang concert noon ang walang kalatoy-latoy mag-perform na si Barbie Almalbis! Pero ang nalula talaga kami ay ang husay ng pagka-musical direct ng gitaristang si Mike Villegas sa concert na yon nina Aiza at Cookie. Yon kasi ang unang pagkakataon na nakapanood kami ng full-length concert na si Mike ang musical director. Akala namin ay magaling lang siyang composer at tagaakumpanya ng solo performers (gaya halimbawa nina Bayang Barrios at Cookie.)

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply