Lola kritikal, 16 nasaktan sa pila para sa Will Time Big Time ticket

NASA kritikal na kondisyon ang isang lola habang 16 naman ang nasaktan nang dumugin nang libu-libong katao ang pamamahagi ng ticket sa unang anibersaryo ng “Will Time Big Time” ni TV host Willie Revillame sa Amoranto Stadium sa Quezon City kagabi (Oktubre 14).

Nasa intensive care unit (ICU) ng Capitol Medical Center (CMC) ang hindi nakuha ang pangalan na matandang biktima na sinasabing inatake sa puso o tumaas ang blood pressure sanhi ng matinding pagod at naipit pa sa mahaba at matagal na pagpila.

Habang pinauwi rin naman matapos bigyan ng kaukulang lunas ng mga manggagamot sa CMC ang may 16 pang katao kabilang ang isang nagdadalantaong ginang.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), Biyernes pa lamang ng madaling araw ay may mga dumating na sa Amoranto Stadium sa Don Alejandro Roces Avenue sa Barangay Roxas.

Pero nang simulan na ang pamamahagi ng ticket ay nagtakbuhan ang mga tao para makauna sa pila at doon posibleng naipit ang mga biktima.

Hindi naman pinalad ang lahat ng pumila dahil ang bilang lamang ng makakapasok sa Smart Aranate Coliseum sa anibersaryo ng naturang television game show na gaganapin sa Oktubre 23 ay eksakto lamang sa kapasidad ng nasabing venue.

Nang matapos naman ang pamamahagi ng ticket ay hindi pa rin umalis ang mga nabigong fans ni Willie na karamihan ay mga matatanda at inokupa ang center island at bangketa ng Don Roces Avenue na lumampas pa ang pag-iistambay sa Scout Reyes Street hangang sa gumabi na.

Nagdulot din ang nasabing okasyon ng pagsisikip ng trapiko na umabot sa may Scout Chuatoco at sa kabahaan ng Quezon Avenue na mula sa Araneta hanggang Timog Avenue.

Kung maaalala, umabot sa mahigit 70 ang namatay noong 2006 nang maganap ang Ultra Stampede sa Pasig City kasabay rin ng isang taong anibersaryo ng dating game show ni Revillame na “Wowowee” sa ABS-CBN television network. Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply