Mabuhay ang CIDG, IACAT at AHTRAD

NITONG mga nakaraang araw ay sunod-sunod ang ginawang paghuli ng Criminal Investigation and Detection Group kasama ang Inter-Agency Council Against Trafficking ng Department of Justice sa mga nightclub at KTV bar sa Metro Manila hanggang sa Angeles City sa Pampanga.

Front ng prostitution ang mga sinalakay na lugar na ang mga GRO na pawang menor de edad pataas ay ibinebenta sa mga kostumer para makipag-sex.

Pinakahuli sa sinalakay na lugar ang Club Pharaoh KTV sa Creekside Building sa kanto ng Amorsolo at Javier Streets sa Makati City na may 50 “sex workers” ang nasagip. Sinasabing pawang estudyante pa ang iba rito at ginagawang “sideline” ang pagiging GRO para matustusan ang sarili sa pag-aaral.

Hindi rin nakalusot sa CIDG at IACAT ang isang prostitution den sa Bautista St. corner Casino St. sa Barangay Palanan, Makati City na pinatatakbo nitong sina Tony, Eric at Serge. Nasa 60 kababaihan ang nailigtas sa den na ito.

Sa Caloocan City naman, ni-raid din ng IACAT, kasama ang Anti-human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation, ang Showtime 2 nightclub at 10 sa 25 nasagip na kababaihan ay pawang menor de edad.

Mahigit sa 100 kababaihan naman ang nailigtas din ng CIDG at IACAT mula sa Sunshine Bar, Blue Nile at Golden Nile nightclubs sa kahabaan ng Fields Avenue sa Brgy. Balibago, Angeles City.

Sa mga lugar na nabanggit, napuna ng mga awtoridad na may naka-tag na letrang “V” ang ilan sa mga kababaihan.

Nangangahulugang ito na sila’y mga “virgin” pa at umaabot sa P100,000 ang presyong singil sa mga kostumer na pawang foreigners.

Nais kong bigyan-parangal sa pamamagitan ng kolum na ito sina CIDG director Samuel d. Pagdilao, Jr. at NBI-AHTRAD chief Atty. Dante Bonoan sa patuloy nilang kampanya laban sa human trafficking.

Saludo rin ako kay Supt. Emma Libunao, hepe ng  Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng CIDG dahil sa walang sawa niyang pagtulong at pagsagip sa mga kababaihang biktima ng sex trafficking.

Higit sa lahat, binibigyan ko ng dangal ang mga NGO (Non-Government Organization) tulad ng End Child Prostitution and Trafficking, Coalition Against Trafficking in Women-Asia Pacific, International Justice Mission at Visayan Forum Foundation Inc., na patuloy na nakikibaka laban sa krimeng
ito.

Mabuhay kayo!

Sana’y palawigin n’yo pa ang operasyon kontra human trafficking. Marami pa pong nightclub at KTV bar ang nakalinya sa ganitong uri ng krimen. Pasyalan n’yo po ang mga club diyan sa Pasay at Parañaque. Tiyak na marami po kayong masasagip!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply