GMA, Mike A. damay sa DBP behest loan probe

PANIBAGONG kasong katiwalian na naman ang naghihintay kina dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at asawa nitong si dating first gentleman Mike Arroyo hinggil sa P660 milyong behest loan sa Development Bank of the Philippines (DBP) noong nakaraang administrasyon.

Sa ipinalabas na pahayag, sinabi ni Sen. Teofisto Guingona III na hahalukayin ng Senate Blue Ribbon Committee kung may kinalaman ang mag-asawang Arroyo sa pagbibigay ng P660 milyong pautang sa kompanya ni Roberto Ongpin, kaibigan ni Mike Arroyo,  mula sa DBP.

“We need to determine the possibility that Arroyo had a hand in the loan transactions,” ayon kay Guingona matapos ihayag na itinakda ang pagdinig sa Biyernes (Oktubre 7).

Noong nakaraang Agosto 5, nagsampa ng kasong kriminal at administratibo ang DBP laban sa nakaraang miyembro ng Board of Directors ng bangko sa pamumuno ni dating president nito na si Reynaldo David hinggil sa P600 milyong behest loan na inaprubahan ng bangko sa kompanya ni Ongpin, ang Delta Ventures Resources Inc., (DVRI), upang pondohan ang pagbili nito ng sapi sa Philex Mining na ibinenta din sa mas malaking halaga.

“The Committee will require the appearance of Ongpin, former DBP board members led by David, and several bank officials to shed light on the circumstances surrounding the approval of these highly questionable loan transactions,” ayon kay Guigona.

Bukod sa posibleng paglabag sa banking laws, iimbestigahan din ng komite ang posibleng insider trading at paglabag sa Securities Code dahil mahigit kalahating bilyon ang ibinigay kay Ongpin upang gamitin sa pagbili naman ng 50 milyong sapi ng DBP sa Philex Mining Corporation sa halagang P12.75 kada sapi at saka ibinenta naman sa grupo ni Manny Pangilinan sa halagang P21 kada sapi.

Sa panahon ng bentahan ng sapi, umuupong director sia Ongpin at David sa Philex Mining.

“Hahalukayin ng komite ang pagkakasangkot ni Roberto Ongpin, na dating director ng Philex Mining at kanyang pagiging malapit kay dating first gentleman Jose Miguel Arroyo,” ayon kay Guingona.

Sinabi pa ni Guingona na tutukuyin ng komite ang posibleng pag-aamyenda hindi lamang sa banking law kundi maging sa karta ng DBP at Land Bank of the Philippines kabilang ang iba pang government financial institutions upang maiwasan ang ganitong katiwalian.

Ayon kay Guingona, ilan pang katanungan na dapat masagot ng dating opisyal ng DBP ay kung bakit tinanggap ng nasabing bangko ang pautang sa halip na cash sa pagbebenta ng sapi at kung bakit namagitan pa ang Golden Media bilang third party samantalang puwede namang diretso at simpleng transaksiyon sa pautang sa pagitan ng dalawang kompanya, DBP at DVRI.

“Was the bank unduly exposed to any risk and did DBP violate any banking rule or favor a borrower to the detriment of the bank’s depositors and the taxpayers?” tanong ni Guingona. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply