Masbate ‘fishing payola’

KITANG-KITA sa lalawigan ng Masbate ang mga lubak-lubak sa “matuwid na daan” ng gobyernong Aquino – mula pamahalaang lokal hanggang kapulisan – sa pamamagitan ng raket sa illegal fishing na ngayon ay pinagsasaluhan ng mga tiwaling opisyal sa opisina ng gobernador, mga alkalde at police officer mula SPO1 hanggang heneral sa regional PNP headquarters at Camp Crame sa QC.

Ang fishing payola, Suki, ay pangunahing pinagkakakitaan sa ngayon ng grupo ng kapulisan at provincial at municipal officials sa lalawigan kong mahal. At sideline na lang ng mga nabanggit na taga-gobyerno ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Ang raket sa fishing payola ay ang regular na pagbibiyak-biyak sa suhol na umaabot sa P3.8 milyon kada buwan mula sa mga mangingisdang iligal para sa mga opisyal ng lokal na gobyerno at kapulisan upang hindi bu-labugin ng “hulidap’ ang karagatan ng Masbate.

Ngayo’y alam na n’yo, Suki, kung bakit iniiwasan ng mga mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa lalawigan na binansagang “murder capital” sa rehiyong Bikol. Dahil busy ang mga taong nangangalaga sa peace and order ng probinsya sa kanilang raket sa illegal fishing.

oOo

General Nicanor Bartolome, Sir, pakisilip ang mga iskalawag sa iyong hanay na nakaambang maging kalawang sa integridad ng Pambansang Kapulisan. Pakiumpisa lang, General, Sir, sa Bikol, partikular sa lalawigan ng Masbate.

Nakaabang ho, Sir, ang mga Boss ni Pangulong Noy sa lalawigan kong mahal sa inyong magiging aksiyon para mapatag ang mga lubak-lubak sa kanyang “matuwid na daan.” Ang Warning Shot, General, Sir, ay nakamasid din lang kung kunsintidor ka nga tulad ng bintang sa ‘yo ng maraming walang bilib sa ‘yo sa Camp Crame.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply