Media killing pinatutukan kay PNoy

PINATUTUKAN ng isang senador kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang media killing matapos tiyakin ng Palasyo na magkakaroon ng walang humpay na kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno.

“Personal na ipinahayag ng Pangulong Aquino na layunin ng kanyang gobyerno na maghain ng iba’t-ibang kaso bago matapos ang taon na may relasyon sa nabulgar na anomalya at katiwalian ng nakaraang administrasyon. Kaya personal kong hinihiling kay Pangulo na habulin at kasuhan din ang mga personalidad na nasa likod ng heinous media killings,” giit ni Sen. Jinggoy Estrada.

Tinukoy ni Estrada ang ulat ng New York-based Committee to Protect Journalist na umaabot na sa 70 mamamahayag sa Pilipinas ang pinatay simula noong 1992.

Idinagdag pa nito na umabot sa 93% ng kaso ay kinategoryang “complete impunity” na tumutukoy sa kalagayan ng imbestigasyon at ibig sabihin ay walang nahahatulan.

Nasa ilalim naman ng kategoryang “partial justice” ang nalalabing 7% na ibig sabihin na ilan at hindi lahat ng responsible ay nakahatulan at pangkaraniwang nakukulong ang pumatay ngunit hindi ang mastermind.

Naitala naman na 61% ng biktima ng media killings ang nagkokober sa pulitika, 43% sa corruption stories at 23% naman ang crime stories.

Samantala, itinakda naman ng Senado ang pagpapatuloy sa deliberasyon sa plenaryo hinggil sa Senate Bill 455 na nagkaklasipika sa pagpatay sa miyembro ng media sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang krimen na murder.

Sinabi ni Estrada, principal author ng panukala, layunin nito na amyendahan ang Article 248 ng Revised Penal Code na ibibilang ang iba pang kaakibat na pangyayari tulad ng pagiging miyembro ng biktima ng broadcast o print media – na isang  krimen na maging kuwalipikadong murder.

Sa kasalukuyan, itinuturing na capital offense ang murder na may parusang pagkakakulong nang habambuhay hanggang kamatayan.

“Passage of this bill is upholding the constitutionally-guaranteed right to press freedom. This will act, at the very least, as a deterrent against assault to the so-called Fourth Estate. Further, this will empower the media to perform their sworn duties without fear and with utmost responsibility,” paliwanag ni Estrada. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply