Mediamen pinapatay, sinusunog ng minero

MABABAGSIK ang mga minero at taong pamahalaan na kasosyo ng mga ito.

Tingnan ninyo, hindi lang sila pumapatay ng mga pari.

Pinapatay nila pati ang mediamen at sinusunog ang mga radio station.

Dahil dito, nananawagan tayo sa mga kinauukulan na kailangang kumilos ang mga ito upang matanggalan ng maskara ang mga pumapatay at sumusunog para lapatan sila ng katarungan.

Hindi maganda ang mga pangyayaring ito na para lang magkapera ang mga minero at kasabwat nilang mga opisyal ng pamahalaan ay kinakailangan nilang pumatay at sumunog ng mga radio station.

DR GERRY ORTEGA

Lumilinaw sa mga araw na ito na hindi lang pulitika ang dahilan ng pamamaslang kay Doc Gerry Ortega sa Palawan na isang broadcaster ng ABS-CBN.

May halo itong matinding korapsyon at pagmimina.

Sa korapsyon at pagmimina, pera, malaking pera, mga Bro, ang pinag-uusapan. Para hindi maging bato at tuloy-tuloy ang pinagkakaperahan ng mga corrupt at minero, tinotodas ng mga animal na ito ang mga kumokontra sa kanila.

Kaya nga, hindi dapat na hanggang victim at suspect lang ang pagtuunan ng pansin ng Department of Justice na humahawak sa kaso ni Doc Gerry.

Dapat na palawakin ang interes nito sa corruption at mining operations na naging motibo sa pagpatay kay Doc Gerry.

DATU ROY BAGTIKAN GALLEGO

Itong si Datu Roy Bagtikan Gallego ay chieftain o lider ng katutubong Manobo sa Lianga, Surigao del Sur.

Isa rin siyang mediaman at magbubukas sana ng programa bilang blocktimer sa 92.7 Smile FM San Francisco, Agusan del Sur nang paslangin siya.

Nauna rito, naging broadcaster na siya ng DxSF.

Batay sa mga ulat na nakararating sa atin, mga Bro, masugid siyang tagapagtanggol ng mga karapatan ng mga katutubo.

Kasama na sa mga pinupuna niya ang pagkakait sa mga katutubo ng kanilang mga lupain ng mga minero at nasa pamahalaan.

Sinasakop ng mga mining company ang lugar ng mga katutubo sa bisa ng mga mining permit at konsesyon na iniisyu ng mga nasa pamahalaan.

Dahil dito, basta na lang siyang tinumba ng bala.

FR. FAUSTO TENTORIO

Pati pari hindi pinatatawad ng mga minero at corrupt.

Tinumba rin ng bala si Italian priest Fr. Fausto “Pops” Tentorio dahil sa pagtatanggol niya sa mga katutubo.

Ipinagtatanggol ni Fr. Pops ang mga katutubo sa pagsakop sa lupain ng mga ito ng mga minero at opisyal pa rin ng pamahalaan.

Walang nakikitang dahilan sa pamamaslang kay Fr. Pops kundi ang pagkontra nito sa mga minahan na nagiging mapanira sa kapaligiran o environment.

Ngayon nga ay malaki ang paniniwala na mga militar o CAFGU kaya ang pumatay kay Fr. Pops.

Batay ito sa sinasabi ng mga testigo na taong militar o CAFGU ang nagtatanong kung nasaan ang pari bago siya pinagbabaril mismo sa kanyang simbahan.

RADIO STATION SINUSUNOG

Hindi nakuntento ang mga corrupt at ganid na minero sa pagpatay sa kanilang mga kritiko, sinusunog na rin nila ang lugar ng mga mamamahayag.

Naganap ito sa dzVT radio station San Jose City, Occidental Mindoro.

Ayon kay  regional police chief Superintendent Gregorio Olaguer, walang palatandaan na mga rebeldeng komunista ang may kagagawan nito.

Ang bali-balita naman sa paligid ay nagbabalita ang mga taga-dzVT ng mga paninindigan laban sa mga corrupt at ganid na minero sa lugar.

Paniniwala ng pulisya, babala na rin ang panununog sa sinomang kumokontra sa mga corrupt at minero sa lugar.

At ang susunod ay mga broadcaster, reporter at pari na naman ang matutumba?

Anak ng tokwa, what’s happening to our country, Mr. President?

KATARUNGAN

Dapat na isulong natin lahat ang katarungan sa mga pinapaslang na nag-aalay ng kanilang mga sarili upang ituwid ang daan sa mahal nating Pinas.

Kinakailangan ang ating pagkakaisa.

Ang pagkakaisa ay hindi lang dapat na gawin sa hanay ng mediamen.

May pakikipagkaisa rin dapat ang mga ito katulad ng mga pari na pinapaslang at lahat ng mga biktima ng karahasan na gawa ng mga corrupt at minero.

Kung kinakailangang magbuhos tayo ng pondo para sa ikadarakip ng mga salarin, gawin natin ito.

Mahal ang serbisyo ng mga abogado ngunit kailangan nating manikluhod sa kanila na upang tumulong sila sa mga biktima ng walang katwirang karahasan.

HAYAANG MAG-ARMAS

Kung maiisip ng mga biktima na magbitbit ng baril, ano ang dapat na gawin ng mga kinauukulan?

Mungkahi natin na hindi dapat na pagkaitan ang mga ito na magkaroon ng gamit sa pagtatanggol sa kanilang mga sarili.

Masyadong maliit ang bilang ng mga awtoridad upang bantayan ang lahat ng mamamayan.

Dapat na irelaks ng mga kinauukulan ang mga batas at patakaran ukol sa pagbili, pag-iingat at pagsasanay ng mga gustong magkaroon ng armas.

Hindi natin matiis na parang daga na lang na pinapatay ng mga corrupt at ganid na minero ang ating mga kabaro, mga pari at iba pa na katulad nilang naglilingkod sa bayan.

Sugod, mga kapatid!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply