Mga bus na cutting trip at peste sa trapik

MARAMING pasahero ang naaasar kapag mahuhuli na sila sa pasok sa umaga at uwi sa hapon dahil sa bagal ng daloy ng mga sasakyan sa Gen. Luis sa Barangay Caybiga at Bagbaguin sa Caloocan City.

Hindi lang ang masikip na kalye ang dahilan ng traffic sa lugar kung hindi ang mga walang disiplinang tsuper ng mga sasakyan tulad ng bus at jeepney na bumibiyahe sa nasabing lugar na kahit sa gitna ng kalsada ay nagbababa at nagsasakay ng pasahero.

Bukod pa rito ang paghihintay ng pasahero sa gitna ng kalye na kinukunsinti ng ilang barangay traffic enforcer na maaaring dahil na rin sa pakikisama o posible rin namang merong lagayan sa sistema.

Kaya naman nais ipaalam ng Pakurot kay Al Sta. Maria, hepe ng Reformed Department of Public Safety and Traffic Management ng Caloocan City ang ilang dahilan ng traffic sa lugar na madalas ireklamo sa kanya ng mga residente ng Caybiga, Llano at Bagbaguin.

Ilang beses na rin namang nasubukan si Sta. Maria sa pag-aksyon sa mga reklamong nakararating sa kanyang tanggapan at hindi matatawaran ang kanyang pakikisama sa mga complainant.

Kaya naman sana ay mabigyang aksyon ng Caloocan government ang reklamo sa mga bus at mini-bus na bumibiyahe ng Bagong Silang, Caloocan City – Sta. Cruz, Manila via Malinta at Novaliches dahil sa madalas na pagparada ng mga ito sa kahabaan ng Gen. Luis para maghintay ng pasahero.

Madalas mainip ang mga pasahero dahil inaabot ng mahigit isang oras sa pagpupuno ng sakay ang nasabing mga sasakyan bukod pa sa mabagal na takbo nito sa kalye dahil sa pamumulot ng mga pasahero na nagiging sanhi ng pagpila ng mga sasakyan sa kalye.

Inirereklamo rin ng mga mananakay ang mga bus ng Saint Rose Transit, BOSTCMC at mga katulad nito na bumibiyahe mula South patungong Novaliches via Malinta Exit.

Dapat sanang sitahin at higit sa lahat tanggalan ng prangkisa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang mga nasabing bus na madalas mag-cutting trip na sanhi upang magdalawang sakay pa ang mga pasahero na dapat sana’y bababa sa mismong lugar na nila pero napipilitang bumaba sa Malinta exit dahil nga hanggang doon lang ang biyahe ng mga bus na kanilang inirereklamo.

Siguro naman, panahon na upang gamitin ng LTFRB ang kanilang pangil upang matakot na ang mga pasaway na kompanya ng bus at kanilang mga tsuper nang matigil na ang pagka-cutting trip na pahirap na sa katawan ng mga pasahero ay sakit pa sa bulsa.

Ipakita naman sana ni Atty. Jaime Jacob, bagong upong hepe ng LTFRB, sa “mga boss” ng kanyang among si PNoy (Pangulong Noynoy Aquino) na isa siya sa tumatahak sa “Tuwid na Daan.”

***

Pahabol ng isang residente ng San Andres sa pamamagitan ng text message ang reklamong binabalewala ni Barangay Chairman Abrito at Dagonoy Police Block ang pagkakalulong ng mga kabataan at ilang matatanda sa videokarera na nasa 1661 Estrada St., San Andres, Manila.

Ilang beses na rin daw naitawag sa tanggapan ng bagong upong district director ng Manila Police District na si Chief. Supt. Alex Gutierrez ang kanilang reklamo subalit napunta lang ito sa “taingang kawali.” Kaya naman si Chief Insp. Mar Reyes, hepe ng Manila City Hall Public Assistance (Manila CHAPA) na lang ang tatawagan natin ng pansin upang umaksyon sa nasabing reklamo.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya, pamahalaan o pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply