Mga intrigero nilalapa na ang Pasay ni Calixto

KAKAMBAL na yata ng kontrobersya si Pasay City Mayor Antonio Calixto. Mula kasi nang maging punong-lungsod ito ng Pasay, kung ano-anong isyu ang naririnig natin tungkol kay mayor. Pero sa huli, lumilitaw na may mga intrigero para sila ang tunay na maghari at mamunini sa Pasay.

Hindi pa nag-iinit ang puwet sa City Hall, eh, may ugong na agad na ‘di si Calixto ang tunay na nagpapatakbo ng city hall kundi ang isa niyang kaibigan na tumulong sa kanya noong halalang Mayo 2010.

Hanggang sa mga iligal, katulad ng sugalan na biglang nagsulputan sa lungsod ay pinagbintangan ang kanyang kaibigan na may utak umano. Hanggang sa paghihiwalay ng magkaibigan ay naging isyu rin.

Porke nagalit daw ang alkalde sa “sobra umanong pakikialam” ng kanyang kaibigan sa pagpapatakbo ng operasyon ng City Hall.

Nang lumaon, ang Pasay police chief naman na si S/Supt. Napoleon Cuaton ang napaulat na kaaway ni Mayor Calixto.

Ang ugat ng kanilang away ay ang pagpapahinto ni Cuaton sa operasyon ng iba’t ibang uri ng sugal sa lungsod.

‘Di natin masiguro ang katotohanan sa usapin na ito, pero ang ulat na nakarating sa Chokepoint, napasara raw ang sugalan dahil iniutos ni “kaibigan” kay Cuaton.

Si Cuaton daw kasi ay nalagay sa puwesto sa pakiusap ng kaibigan na may kaibigan.

Sa intiyende natin, si kaibigan ang nag-upo kay Cuaton dahil sa panahon na iyon ay malakas at magkaibigan pa sila ni Mayor Calixto.

Ngayon ay wala na ang kaibigan at si Cuaton sa Pasay pero ‘di pa rin tinatantanan ng kotrobersya ang  alkalde.

Sa paligid ng Pasay City Hall, usap-usapan ang katiwalian na mismong mga malalapit daw sa punong-lungsod ang mga pasimuno.

Ang kaban daw ng lungsod ay nasasaid dahil sa dami ng 15-30 o kilala sa tawag na ghost employees sa Pasay City Hall.

Ang komisyon ng mga makapangyarihan diyan sa city hall ay napakalaki raw kaya walang maayos na proyekto.

Ang sugalan daw ay umarangkada na rin at may binigyan na si mayor ng go-signal para maki-pag-usap sa mga gambling lord.

Kailan makapagpapahinga si Mayor Calixto sa mga kontrobersya na nagpapalugmok sa kanyang administrasyon?

Maliwanag na may lumikha ng mga intriga kahit walang katotohanan ukol kina “kaibigan” at Col. Cuaton. Pakay lang pala nilang pumorma sa paglapa sa lungsod ng Pasay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply