Mike Arroyo may criminal mind – Koko

SA HARAP nang pagpuri kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, inihayag ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel II na nararapat lamang na bllisan ang pagsasampa ng kaso sa PNP chopper mess dahil tunay ngang may criminal mind si dating First Gentleman Mike Arroyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo nitong Sabado, sinabi ni Pimentel na kapuri-puri ang mabilis na aksyon ng Office of the Ombudsman sa kasong isinampa laban kay Mr. Arroyo kabilang ang 18 pang personalidad na sangkot at nagsabwatan sa bentahan ng lumang helicopter sa PNP.

Aniya, mabuting binigyan ng prayoridad ng Ombudsman ang chopper scandal dahil sobrang panloloko ang ginawa ng mga sangkot sa pera ng taumbayan.

“Mabuti naman at umaksyon kaagad ang Ombudsman at binigyang prayoridad ang kaso na yan. Itong kaso na to, kung mayroong criminal-criminal mind ito na yun. Kasi isipin mo second hand ibinenta mo pa sa presyong brand new sobra ka naman,” ayon kay Pimentel.

Nabatid na agad na bumuo ng fact finding team si Morales upang pag-aralan ang isinumiteng asunto ng Senado at resolbahin sa loob ng isang linggo.

Samantala, pinanindigan ni Pimentel na isang kaso ang kanilang inihain sa Ombudsman taliwas sa ulat na inendorso lamang nila ang naging findings ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Pagdating sa Ombusdman, being a constitutional body na siya ang protector of the people, kahit sulat puwede na mag-initiate ng kaso, kahit anonymous letter puwede na eh kami nga may mga lagda pa,” paglilinaw pa ng senador.

Binigyang diin ni Pimentel na silang tatlo pa rin nina Sen. Teofisto Guingona III at Sen. Ping Lacson ang tatayong complainant sa kaso.

Sa naging findings ng Senate Blue Ribbon Committee, nagkaroon umano ng sabwatan sa pagitan nina Arroyo, dating opisyal ng National Police Commission (Napolcom) at mga pulis kung bakit naibenta ang dalawang lumang chopper ni Arroyo sa PNP sa presyong brand new. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply