Motorcycle lanes tuloy kahit Undas

TULOY pa rin ang implementasyon ng motorcycle lanes sa mga piling kalsada ng Metro Manila kahit sa araw ng Undas

Sinabi ni Atty. Alu Durotan ng ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bagama’t suspendido ang number coding sa mga araw ng Oktubre 31 at Nobyembre 1 bilang paggunita sa Undas ay magpapatuloy pa rin ang kanilang pagpapatupad ng mga “blue lanes” para sa motorsiklo sa mga kalsada ng Macapagal at Commonwealth Avenue.

Ani Durotan, nakataas din sa full alert status ang MMDA sa panahon ng Undas kagaya ng iba pang tanggapan ng pamahalaan na nangangalaga sa kaligtasan ng madla.

Sa utos ng Pangulong Benigno S. Aquino III, puspusan ang paghahandang ginagawa ng MMDA at iba pang ahensya ng gobyerno upang matiyak ang kaligtasan ng publiko na inaasahang daragsa sa mga sementeryo at probinsya dahil na rin sa pagkakaroon ng long weekend.

Ayon kay Durotan, ipinatutupad pa rin ng MMDA ang 24/7 na pagbabantay sa mga motorcycle lane na nauna nang itinakda sa pinakaunang kanang lane ng Diosdado Macapagal Avenue sa mga lungsod ng Pasay at Parañaque at ikaapat na lane mula sa kanan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Aniya, magmumulta pa rin ng P500 ang mga nagmomotor na lalabag sa kautusan ng ahensya hinggil sa motorcycle lane.

Gayundin, magmumulta ang hindi magsuot ng tamang damit kasama ang helmet at ang hindi magbukas ng motorcycle headlights sa araw habang bumibiyahe. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply