Naglipanang ligal na street criminal at riding in tandem

NAPAPANSIN ba ninyo ang sipag ng mga pulis, traffic enforcer, taong LTO at iba pang nangangasiwa sa trapik ng mga sasakyan sa lansangan?

Siyempre pa, pinasasalamatan natin sila, mga Bro, sa kanilang kasipagan.

Nagsisilbi silang parang usok na pangontra sa mga uod at insekto na naninira sa namumungang mga punongkahoy gaya ng mangga o pangontra sa mga lamok na may dalang dengue.

Yun bang === nagsisilbi ang mga ito na bida laban sa mga kontrabidang karnaper, kidnaper, riding in tandem, holdaper, mandurukot at iba pang street crminals.

Kailangan natin sila lalo ngayong Undas at kahit pa sa mabilis na dumarating na  Kapaskuhan dahil sa naglipanang street criminals.

SUNOD-SUNOD NA TUMBAHAN

Dahil sa sipag ng mga ito, tingnan ninyo, tumatabla na ang bilang ng mga napapatay na riding in tandem sa bilang ng pinapatay ng mga ito.

Pero parang mas magagaling ang mga riding in tandem at iba pang street criminals dahil higit nilang nalulusutan ang mga lambat ng street cowboys na tagabantay ng mamamayan at kumakasa sa kanila.

Tingnan ninyo, mas marami ang rekord na gawa ng mga ito sa mga barangay at police blotter kaysa performance ng mga cowboy.

WALANG SUMBONG AT BANGKETA

Tunay ngang masipag ang mga cowboy ni PNP chief General Nick Bartolome, ng mga mayor at ni KKK Virgie Torres sa Land Transportation Office.

Pero sa buwisit sa katamaran at kainutilan ng mga ito, marami sa mga biktima ang hindi na nagsusumbong.

Dagdag pa rito ang takot ng mga biktima na mabibiktima ulit sila kapag nalaman ng mga nagpipiyansang kriminal ang kanilang mga tahanan at pinagtatrabahuhan sa mga affidavit at kontra-affidavit na isinusumite sa mga piskal at korte.

Tinatapatan naman ang kawalan ng sumbong ng mamamayan ang pambabangketa ng mga cowboy at taong KKK.

Maraming kabalbalan ang mga ito na hindi na inirerekord ng mga pulis, traffic enforcer at LTO men dahil inaayos na ang lahat ng ito sa bangketa.

Sa kagustuhang hindi maiistorbo ang mga biktima, pumapayag na rin ang mga ito sa gusto ng mga scalawag na awtoridad.

DAGDAG-BAWAS SA BANGKETA

Kung medyo tigasin ang mga binabangketa ng mga pulis, traffic enforcer at taong-LTO, pumapayag na ang mga ito sa pangkape sa halip na pang-inom at pantsiks na kotong.

Pero kung namutla ang mga biktima na wala o merong kasalanan, mahigit pa sa itinakda ng batas na mga multa at iba pang bayarin ang ikinakarga sa mga ito.

At dahil sa takot, hinahayaan na lang ng mga biktima na limasin ng mga street criminal na pulis, traffic enforcer at taong LTO ng kanilang wallet at iba pang ari-arian.

Lalo na kung natamnan ang mga biktima ng mga iligal na droga o nakargahan ang mga ito ng mga violation ng mga ito ng mga katakot-takot na violation.

LIGAL NA KOTONG NG MGA WAIS

Kung gaano katarantado ang mga ligal na street criminal, mas tarantado ang mga ito sa pagsasaligal ng kanilang kalokohan.

Ang sisipag ng mga animal na ito na manghuli sa kahit pasensiyabol na mga pagkakamali.

Nararanasan ito ng mga driver ng jeepney, taxi, fx, bus at traysikel.

Meron ding sinasadyang gawa ng mga ito para mapilitang magkaroon ng pagkakamali ang mga drayber.

Halimbawa ang pagparada nila ng mga traysikel sa lansangan o kanilang patrol car.

Kung umiwas ang mga driver at makaapak ang kanilang mga sasakyan sa mga guhit na bawal umano sa batas, diyan na sila hinuhuli.

‘Yun pala, may quota ang mga animal na ito mula sa kanilang mga bosing sa police station, munisipyo o lungsod o LTO.

Siyempre pa, may porsiyento ang mga ito sa halaga ng multa ng mga driver.

FISHING EXPEDITION

Ang pinakatarantado sa mga ito ay ang mga nagpapahinto sa mga pampublikong sasakyan at kahit sa mga cargo truck at naghahanap  ng mga pagkakamali sa mga marka at papeles.

Anak ng tokwa, konting gasgas lang, halimbawa sa mga marka na gross weight, total passenger at iba pa, huhulihin ka na.

Kaunting tama lamang sa salamin dahil sa mga tumatalsik ng mga bato sa kalsada at kaunting butas o blangko sa mga papeles, yari ang mga driver.

Sa mga cargo truck, gusto ng mga scalawag na ibaba lahat ng mga driver at pahinante ang lahat nilang kargamento na semento, bakal, isda, gulay at iba pa.

Ito’y para makita umano kung may kontrabando na karga ng mga ito.

Sinong driver at pahinante ang hindi mapipilitang maglabas ng baon sa ganitong sistema ng pangongotong ng mga street criminal?

CALLING RIDING IN TANDEM

Dahil sa mga katarantaduhan ng mga ligal na street criminal, gusto na ring magpasaklolo ang mga biktima sa mga riding in tandem.

Ito lang daw ang katapat ng mga scalawag.

Paano nga naman hindi tumakbo sa mga riding in tandem ang mga biktima, eh, gutom sa kanila at sa kanilang mga pamilya ang ginagawa ng mga scalawag na ito.

Ang mahal-mahal na nga umano ng langis dahil sa expanded value added tax at toll at EVAT dito, pinabibigat pa ng mga ligal na street criminal ang kanilang paghihirap at kagutuman.

Anak ng tokwa!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o mag-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply