Nagugutom dumarami

DAPAT umaksiyon agad ang pamahalaan sa pagdami ng mga Filipinong sumasala sa oras matapos manalanta sa buong kapuluan ang sunod-sunod na malalakas na bagyo at malalaking mga pagbaha at pagguho na nanalanta ng mga pananim, umanod ng mga bahay at kumitil ng maraming buhay.

Ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Social Weather Stations (SWS), dumami pa ng 1.3 milyong pamilya na ang karamihan ay nasa Maynila ang bilang ng mga pamilya na nakaranas ng pagkagutom noong nakalipas na Setyembre.

Sa isinagawang survey ng SWS noong Setyembre 4 hanggang 7, lumilitaw na isa sa bawat limang pamilya o 1.5 porsiyento (na kumakatawan sa tinatayang 4.3 pamilya) ang nakaranas ng pagkagutom dahil sa walang makain nitong nakaraang tatlong buwan.

Ang programang conditional cash transfer (CCT) ng Aquino administration ang isa sa nakikita naming solusyon o bilang pansamantalang pam-pawi ng gutom ng mga pamilyang biktima ng sunod-sunod na mga kalamidad.

Sa ilalim ng programang ito na nagsimula sa Mexico at Brazil at kumalat sa ibang mga bansa, binibigyan ng buwa-nang tulong na pinansiyal ang mga kapus-palad bilang kabayaran sa pagpapaaral ng kanilang mga anak at pagpapatingin sa doktor ng mga kagampan o buntis na mga ina.

Mula lamang sa 800,000 bilang ng mga benepisyaryo nang maupo ang Administrasyong Aquino ng nakaraang taon, mayroon na ngayong 2 .23 milyong katao ang naki kinabang sa ilalim ng CCT program.  Dapat palawakin pa ang saklaw ng programa upang mapasali  ang  mga  biktima ng sunod-sunod na mga kapahamakan.

Walang dahilan upang hindi ito maisakatuparan sa harap ng binitawang pangako kamakailan ng World Bank sa Pilipinas na popondohan nito ng $100 milyon (4.4 bilyon sa piso humigit-kumulang) ang programa nito sa CCT.

Gaya ng pinagdidiinan namin, ang CCT ay pansamantalang solusyon lang sa problema ng karalitaan. Paglakas ng ekonomiya na lumilikha ng maraming trabaho at mga pagkakataong makapaghanap-buhay ang dapat pa ring pagtuunan ng pansin ng pamahalaan bilang pangmatagalang solusyon sa ating problemang pangkabuhayan, at wala nang iba.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply