Mapagsamantalang negosyante kakalusin

KAKALUSIN na ng Senado ang mga negosyanteng nanamantala tuwing may kalamidad tulad ng bagyo sa pamamagitan ng walang patumanggang pagtataas ng presyo ng pangunahing bilihin sa apektadong lugar.

Sa panayam matapos pangunahan ang feeding program at medical mission sa Tondo High School sa Moriones, Tondo, Maynila, sinabi ni Sen. Manny Villar na kapos ang ating bansa laban sa hoarders at price manipulators tuwing kalamidad.

“Kapos ang ating batas sa mapagsamantalang negosyante tuwing may kalamidad, kaya dapat palakasin natin ang kapangyarihan ng Estado laban sa ganitong uri ng mapagsamantala,” ayon kay Villar.

Sinabi ni Villar na kailangan madagdagan ang parusa sa negosyanteng nagsasamantala tuwing kalamidad upang mapigilan ang pagtataas ng presyo ng pangunahing bilihin tulad ng bigas, delata at iba pang uri ng produkto ng pagkain tuwing may kalamidad.

“Hindi pa sapat ang umiiral na batas, kaya dapat dagdagan natin ang penalty,” ayon kay Villar.

Nitong nakaraang linggo, inihain ni Villar ang Senate Bill No. 1306 na nagbabawal sa “price gouging”  o pagpapatong ng mas mataas na presyo sa mga produktong ibinebenta sa lugar na sinalanta ng kalamidad.

“In order to prevent such unscrupulous party from taking advantage of consumers during calamities, a law must be enacted penalizing such acts,” ayon kay Villar, chairman  ng Senate committee on trade and commerce.

Sinabi ni Villar na pangkaraniwan nang itinataas ang presyo tuwing may kalamidad ng produktong tulad ng bottled water na umaabot sa halagang P140 kada bote na iniulat na ibinebenta sa Bulacan partikular sa apektadong lugar ng bagyong Pedring.

“Kung dadagdagan pa natin ang paghihirap ng mga mamamayan na nasalanta ng bagyo o anumang kalamidad sa pamamagitan ng mataas na presyo ng bilihin, mas lalo pa nating pinabibigat ang sitwasyon at pinapahirap ang kanilang pag-ahon,” aniya.

Sa ganitong pangyaayri, sinabi ni Villar na layunin ng SB 1306 na ipagbawat sa mga supplier na magbigay o mag-alok ng “excessive price”  ng produkto at serbisyo sa mga consumer sa mga apektadong lugar sa loob ng 180-day period matapos ang deklarasyon ng state of calamity ng Pangulo.

Paparusahan ng pagkakakulong na higit sa isang taon at multang P10,000 ang sinumang lalabag doon ayon sa panukala. Ernie Reyes

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply