NFA pinatitigil sa pag-aangkat ng bigas

NANINIWALA si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na walang basehan ang National Food Authority (NFA) upang umangkat ng 500,000 metriko toneladang bigas sa Nobyembre upang matiyak lamang na sapat ang suplay nito sa pamilihan.

Ayon kay Pangilinan, may pangangailangan na balansehan ng Department of Agriculture (DA) na magkaroon ng sapat na suplay ng bigas sa bansa at matugunan ang pangangailangan ng magsasaka partikular ang matinding hinagupit ng nakaraang bagyo at pagbaha.

“Sa nakaraang administrasyon, lubhang na-adik sila sa pag-aangkat ng bigas. Kung manunumbalik tayo sa adiksiyong ito, panget na pangitain,” ayon kay Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na lubhang apektado ang ating magsasaka kung magkakaroon ng sobra-sobrang suplay na tila dinagukan pa ng pamahalaan sa pinsalang dinanas ng mga magbubukid sa nakaraang mga bagyo.

“Nagtitiwala tayo na may sapat na impormasyon si Pangulong Aquino hinggil sa kalagayan ng ating suplay sa bigas na magdesisyon laban sa karagdagang pag-aangkat sa nalalabing buwan ng taon. Kahit pa sabihin na matitiyak ng importasyon na may sapat na suplay, may malaking direktang epekto naman ito sa presyo ng butil sa lokal na pamilihan upang maging sapat lamang ang suplay,” paliwanag ng senador.

Aniya, hindi makakayanan ng bansa na magkaroon ng sobrang suplay ng bigas dahil kapag nangyari ito, mas lalo aniyang inilulubog sa kahirapan ang mga magsasaka sa kanayunan.

“Kung sobra ang bigas, di maganda ito sa magsasaka na magtanim ng palay kapag bagsak ang presyo. Ayaw natin na dagdagan ang paghihirap ng ating magsasaka sa pamamagitan ng pag-aangkat ng bigas,” ayon sa senador.

Iginiit pa ng senador na dapat lamang umangkat ng bigas kung talagang kapos ang suplay sa pamilihan upang maprotektahan ang ating magsasaka at hindi bahain ng bigas ang pamilihan.

“Ayaw na natin muling mangyari ang panahon na naliligo tayo sa dami ng bigas na siyang dumudurog sa lokal na magsasaka,” patapos ng senador.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply