Ngayon ang pagkilos at hindi bukas

HINDI dapat maging bingi ang pambansang liderato sa makatuturang karaingan ng taumbayan: mataas na presyo ng oil products at mga bilihin; balak na pagtataas ng pasahe sa MRT at LRT; dagdag na pondo ng iba’t ibang departamento ng gobyerno; pagpapanatili ng kaayusan at katiwasayan sa kapaligiran ng ating lahi; at pagsugpo sa walang habas na pangungulimbat ng mga korap at dorobo sa kaban ng bayan.

Hindi dapat na sabihing “helpless” o walang magagawa ang gobyerno.

Si Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Aquino ang pinakamataas at pinakamaka-pangyarihang opisyal sa ating bansa.

Maraming magagawa at dapat gawin ang isang Pangulo na hindi pwedeng gawin ng isang ordinaryong opisyal ng gobyerno.

Ang pagsasabing helpless o walang magagawa ang gobyerno sa problema ng bansa ay maliwanag na pagpapakita ng kahinaan – kawalan ng gulugod at buto upang bigyan ng solusyon at kalutasan ang mabibigat na mga problema.

Si PNoy ay isang listening president.

Katunayan, gusto niyang harapin ang transport groups at nang malaman kung ano-ano ang kanilang mga “concern” sa industriya ng transportasyon. At ginawa na nga ito.

Okay lang.

Pero, hindi dapat na ang administrasyon ni PNoy at laging makikinig lamang at pagkatapos ay wala nang gagawing aksyon sa inilatag na mga problema.

Aksyon at pagkilos ang hinihintay ng bayan at hindi pagbubunganga ng liderato.

Masama ang naging aksyon ng Kongreso sa panukalang badyet na iniharap ng DOH – Department of Health.

Mula sa P80 bilyon na proposed budget ng DOH sa 2012, binawasan ito nang halos kalahati.

P44 bilyon na lamang ang gustong ibigay at ang nalalabing P36 billion pesos ay ilalagay raw sa “unprogramed appropriations.”

Hindi dapat na ganito ang mangyari.

Lalo na kung iisipin ang bigat ng pananagutan ng Department of Health upang mapangalagaan ang kalusugan ng lahat ng taumbayan.

Nakaaawa at kalunos-lunos ang kalagayan ng mga ospital ng gobyerno sa lahat ng lugar sa Pilipinas, kasama na ang Metro Manila.

Ang PGH – Philippine General Hospital, ipinagmamalaking government hospital na tahanan ng mga dalubhasang doctor at nars ay nagpapauwi ng mga pasyente.

Sa bahay na lamang daw magpagaling at baka lumala pa ang taglay na sakit kung mananatili pa sa ospital. Hello?

Ibig sabihin – marumi ang ospital, kulang sa  gamot at iba pang kagamitan upang gumaling ang pasyente.

Mistulang impyerno ng kamatayan ang kalagayan ng mga government–run hospital.

Sa mga provincial at district hospital – wala na ang mga doktor at nars, nagtungo na sa ibang bansa upang mabuhay ang pamilya at hindi mamatay nang dilat ang mata sa taglay na gutom at paghihikahos.

Biruin mo, doktor at nars pa ang bumibili ng bulak at gamot para sa mga pasyente.

Ang halos sampung taong pag-aaral ng doktor na gumastos ng milyong piso ay hindi para magpaluwal, hindi para akuin ang gastos ng nagkakasakit.

Kung ito ay patuloy na mangyayari – ang mga doktor at nars mismo ang mamamatay sa tindi ng sakripisyo.

Sa mundong ito ay walang tinatawag na “free lunch” – lahat ay dapat mong pagsikapan at pagbanatan ng buto upang ma-buhay nang may dignidad at karangalan.

Nakataya ang karangalan at paninindigan ng administrasyon ni Pnoy sa ibat ibang karaingan ng taumbayan.

Totoong kailangan ang pakikisangkot ng lahat.

Pero, ang unang pagkilos at aksyon ay dapat magmula sa itaas upang maitaas ang estado ng Pilipinas sa galaxy ng mga bansa sa buong mundo – hindi BUKAS kundi NGAYON.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply