No helmet no travel policy

MAHIGIT isang taon na ng isabatas ang Mandatory Helmet Act of 2010 na inakda ni Senador Ramon Revilla, Jr.  Ito ay ang pag-oobliga sa lahat ng nagmomotorsiklo at mga angkas nito na magsuot ng helmet habang nagmamaneho ng kanilang motorsiklo o scooter.

Ngunit marami pa ring hindi sumusunod. Bakit? Dahil kulang ang gobyerno sa mga law enforcer na nagpapatupad nito.  Bakit ulit? Dahil mismong mga pulis at iba-ibang traffic enforcers ang sumusuway nito.

Salamat na lang sa kampanyang NO HELMET, NO TRAVEL POLICY NG PNP-HPG (Highway Patrol Group) sa pangunguna ni Chief Supt. Leonardo Espina.

Sa kanyang pamumuno ng HPG ay nasa 1,900 riders na ang nahuhuling nag-momotor na walang helmet noong nakaraang buwan. Kasama na sa kanyang mga pinahuhuli ang mga pulis at empleyado ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Pati mga mediamen ay kanyang pinahuhuli.

Sa aking programang Inside Motoring sa DZRJ 810khz noong Huwebes ay pinaunlakan kami ng dating miyembro ng Philippiine Constabulary at Hagibis member, Vice-mayor at ngayo’y direktor ng Law Enforcer Riders Association of the Philippines (LERAP) na si Sonny Parsons na isa rin palang dating radio DJ.

Ayon kay Parsons, na isa ring professional shooter, tuwing siya’y nagmo-motor o kahit nagmamaneho ng kanyang sasakyan, ay kanyang tinitigilan talaga ang mga rider na walang helmet at ito’y kanyang pinagsasabihan.

Si Parsons ay 45-taon nang sumasakay ng motorsiklo at hanggang ngayon ay wala pa rin malalang aksidente. Ito ay dahil sa kanyang helmet na HINDI tag-iisang daan o dalawang daang piso, sa kanyang protective jacket na may kasamang body armor, tamang riding boots at gloves bukod pa sa pagsunod sa batas trapiko.

Aniya, “’Di bale na kung mainis o magalit sila sa akin, pero ayoko lang malaman na naaaksidente sila na hindi ko sila pinaalalahanan.”

Sana ay dumami pa ang katulad mo Ginoong Parsons. At sa mga riders naman, hindi porke’t may helmet ay ok na ring isakay ang inyong mga anak na ubod ng bata pa o minsan nga ay sanggol pa na karga-karga ng kanyang nanay. Kaawa-awa naman ang mga kabataan at mga sanggol na ito.

At hindi rin para sa siko ang helmet ha. Para sa ulo po natin yan. Isuot ng maayos at i-strap, hindi yung pinapatong lang. Anuman ang iyong hitsura, o ang iyong ugali, maniwala ka, may nagmamahal pa rin sa iyo.

* * *

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide.

Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/Inside Motoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply