NPC housing project sinimulan na

SINIMULAN na kanina sa pamamagitan ng groundbreaking ceremony ang housing project ng National Press Club (NPC) sa NPC Village sa Barangay Tibag, Pulilan, Bulacan na pinasinayaan ng mga opisyales ng nasabing probinsya at ng kapatid ng Pangulong Benigno Aquino na si Mrs. Ballsy Aquino-Cruz.

Tuwang-tuwa naman ang mga mamamahayag na pawang miyembro ng NPC sa nasabing proyekto ng pamunuan ng  NPC sa pamumuno ng pangulo nito na si Jerry Yap at ng ex-officio ng NPC na si Benny Antiporda.

Ayon kay  Yap, isang katuparan sa pangarap ng dating liderato ni Antiporda ang housing project para sa mga miyembro ng NPC matapos ang ilang taon ding pagplano para sa mga walang bahay na mga journalist sa bansa.

Binigyang pugay din ni Antiporda ang buong  uportang ibinigay ni Mrs. Ballsy na tinawag na “pambansang ate” dahil sa pagpupursige rin nitong maisakatuparan ng nasabing proyekto.

“Si Ms. Ballsy na tinaguriang pambansang ate ang personal pang nagtungo sa Pag-Ibig Fund sa tanggapan ni Atty. Len  Berberabe. Hindi lamang sa telepono ang ginawang hakbang nitong maipursige ang housing project para sa mga mamamahayag,” anang dating pangulo ng NPC.

Sinabi ni Yap na layunin ng naturang proyekto na maiangat ang pamumuhay ng mahihirap na miyembro ng NPC.

Ang NPC Village ay isang low-cost housing project sa pakikipagtulungan ng Pag-Ibig na magbibigay ng pautang sa mga kuwalipikadong miyembrong mamamahayag.

Tiniyak naman ni Mrs. Ballsy ang kanyang suporta sa nasabing proyekto hanggang sa inauguration nito  at ipinasakamay rin nito kay Yap ang hindi nito inihayag na halaga ng kanilang donasyon na magkakapatid para sa nasabing proyekto.

“Sa inauguration ng NPC Village, alam n’yo naman na si Kris ay mahilig magpa-raffle at maaring magpa-raffle ito ng mga kasangkapan sa bahay,” paniniyak pa ng nakakatandang kapatid ng Pangulo.

Naglaan ng NPC ng P6 milyon mula sa pondo nito para simulan ang konstruksyon ng 48 housing unit sa may 2,000 square meters na lote malapit sa Pulilan exit ng North Luzon Expressway na ilang minuto lamang ang biyahe mula sa Metro Manila.

Ibebenta sa mga NPC members ang bawat housing unit ng P800,000 lamang.

Tiniyak din ng pamunuan ng NPC na walang maging down payment sa mga kuwalipikadong NPC buyers ng nasabing unit.

Tiniyak din ni Pag-Ibig President Berberabe sa mga NPC members na hindi na sila mahihirapan pang maging Pag-Ibig Fund member dahil igagawad na rin sa mga ito ang agarang pagiging miyembro nila na taliwas sa nagiging 12 na buwan pang guguling panahon para maging miyembro.

Kabilang din sa sumaksi sa naturang seremonya sina Bulacan Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado; Pulilan Mayor Vicente Esguerra, Sr. at mga miyembro ng konseho ng Barangay Tibag, Pulilan, Bulacan.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply