Oil companies pumayag pabusisi ang mga libro

SUMANG-AYON na ang mga kumpanya ng langis na buksan at mabusisi ang kanilang mga libro upang maiwasan ang pagdududa na labis sa tamang presyo ang kanilang ipinatutupad.

Anim na kumpanya ng langis na mula sa Philippine Institute of Petroleum (IPP) ang nagpahayag ng kahandaan na mabuksan ang kanilang libro upang mabura ang mga alegasyon na overpricing at sabwatan nila.

Kabilang sa mga kumpanyang ito ang Chevron, Petron, Shell, Total, PTT Philippines at Liquigaz Philippines.

Unang sinabi ng Pangulong Benigno Aquino III na layon nitong mabusisi ang kita ng mga kompaniya ng langis sa harap ng alegasyong overpricing sa presyuhan ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa Pangulo, lumalabas na magkakahalintulad ang presyong ipinatutupad ng mga tinaguriang “Big Three” na kinabibilangan ng Petron Corp., Pilipinas Shell at Chevron Corp.

Maliban dito, pinapa-review na rin umano ito ng Pangulo sa Department of Justice, Department of Finance at Department of Energy.

Sa Senado, panghihimasukan na rin ang hindi matigil-tigil na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.

Isang resolusyon ang ihahain sa Senado para mapabuksan ang libro ng mga kompaniya ng langis upang maberipika kung overprice ang presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.

Sinabi ng IPP na ang kahandaan ng kanilang mga miyembro na mabusisi ang kanilang mga libro ay bilang pagsuporta sa panawagan ng Pangulo na transparency sa presyuhan ng produktong petrolyo. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply