Ok ang alok ng PALEA sa PAL

KAILANGANG pag-aralan mabuti ng pamunuan ng Philippine Air Lines (PAL) ang alok ng mga kasapi ng Philippine Airlines Employees Association (Palea) na handa nilang ihinto ang mga kilos protesta at bumalik sa kanilang trabaho para lamang maging normal muli ang operasyon ng national flag carrier.

May ilang beses ko na ring naisulat sa kolum na ito na tutol ako sa ginagawang mga kilos protesta ng Palea dahil isinasakripisyo nila ang kapakanan ng mga mamamayan at maging ng mga dayuhan at lokal na pasahero para lamang sumunod sa gusto nila ang PAL management.

Sa tingin ko kasi, anomang uri ng welga ay hindi tama dahil counter-productive ito pareho sa panig ng mga manggagawa at pamunuan ng anomang kompanya.

Ang mga  radical  group lang ang masaya sa ganitong sistema at wala pa ding tatalo sa mabuting pag-uusap sa panig ng mga manggagawa at management.

Pero tutal ay umabot na sila sa punto na ito na tanging hukuman na lang ang puwedeng magresolba ng problema nila, siguro ay hindi naman dapat na masakripisyo ang ekonomiya ng bansa at ang karapatan ng mga pasahero.

Ang hinihingi lang na kapalit ng mga taga-Palea ay ihinto muna nang pamunuan ng PAL ang pag outsource ng mga trabaho hanggang sa panahon na tuluyan ng magbaba nang hatol ang Supreme Court hinggil sa kanilang sigalot.

At kung dumating ang oras na sabihin ng SC na ligal ang ipinatutupad na outsourcing ng PAL ay handa naman silang tanggapin ang hatol at kusa silang aalis nang maayos sa kanilang trabaho.

Sa aking palagay ay walang masama kung pagbigyan ng PAL ang alok na ito ng Palea.

Ang kapakanan na kasi ng taumbayan at ang reputasyon ng ating bansa at hindi na lang ang ipinaglalabang karapatan ng mga taga-Palea ang nakataya dito.

Ang mga paliparan kasi ang siyang show window ng anomang bansa at siguradong masisira ang anumang magagandang programa na ginagawa ng pamahalaan hangga’t hindi nareresolba ang sigalot na ito.

Sa madaling salita ay maba-bad trip ang mga dayuhan at ang impresyong iyon ang siya nilang ikukuwento pag-uwi nila sa kanilang mga bansa sa halip ang magagandang alaala at tanawin na nakita nila dito sa atin.

Dapat tanggapin ng PAL ang katotohanan na hindi kaya sa ngayon ng mga ipinalit nila ang trabahong ginagawa ng mga taga-Palea at ang pinakamatibay na pruweba diyan ay ang napakataas na bilang ng kanselasyon ng mga biyahe ng PAL.

Sinabi sa isang advisory ng PAL na 66 na flight ang nakansela noong Sabado, 55 ang domestic at 11 naman ang international flight.

Maliwanag na hindi kakayanin ng mga substitute workers ang trabaho kung kaya at dapat lamang na ikonsidera ng PAL ang alok ng Palea.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply