Opisyal na nanguna sa pagsalakay sa Basilan dapat sibakin– Tañada

INUDYUKAN ng mga kongresista ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sibakin ang mga pinuno nito na umano’y nanguna sa pagsalakay sa Al-Barka, Basilan na ikinamatay ng 19 na sundalo noong nakaraang linggo.

Sinabi ni House deputy Speaker Erin Tañada, ito ay kung mapatutunayan sa imbestigasyon na talagang pumalpak ang mga opisyal ng Marines na nag-uutos sa mga sundalo dahil hindi umano maaaring basta na lamang sumasalakay ang mga sundalo dahil sa may umiiral na kasunduan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Tutol naman ang mga mambabatas na magpatupad ng all out war dahil nalalagay sa panganib ang buhay at ari-arian ng mga sibilyan samantalang hindi naman pabor si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, chariman ng House committee on defense and security sa posisyon ng Pangulong Benigno Aquino III na huwag nang magsagawa ng hot pursuit operations laban sa MILF.

Maging si Biazon ay nanawagan sa pangulo na i-convene ang national security council para resolbahin ang problema sa MILF at magbuo ng isang posisyon kung dapat pang tugisin ang mga rebeldeng grupo na umano’y nasa likod ng pagkamatay ng 19 na sundalo.

Naniniwala din ang kongresista na masasamantala ang peace talks kung walang gagawing aksyon ang gobyerno laban sa mga rebelde kaya’t sa pagbabalik ng sesyson sa Kamara ay iimbestigahan nila ang nasabing insidente kung saan tututok sila sa aspeto ng intelligence gathering.

Samantala, pinangaralan naman ni San Juan Rep. JV Ejercito si Pangulong Aquino na i-angat ang moral ng mga sundalong nagluluksa sa halip na sisihin ang mga ito.

Sinabi ni Ejercito na dapat na gampanan ng Pangulo ang kanyang tungkulin bilang pinakamataas sa posisyon ng AFP dahil siya ang nagsisilbing gabay at modelo ng lahat ng sundalo sa bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply