P72B + P20B Stimulus package: Para kanino?

HALOS dalawang buwan na lang bago matapos ang taong 2011.

Ang rekord ng ekonomiya ng Pinas ay anemic kundi man malnourished.

Para sa mga ekonomista, hanggang 3% lang umano ang inilaki ng ating ekonomiya ngayong taon.

Halimbawang nasa P6 trilyon ang halaga ng serbisyo at produkto na nagawa sa taong ito, hanggang 180 bilyong piso lang ang inilaki ng ating ekonomiya.

Sa ibang salita, mga Bro, mas malaki pa ang depisit o kakulangan ng pambansang badyet ngayong taon na tinatayang nasa P250-P300B.

Kung ganito kaliit ang iniunlad ng ating ekonomiya, paano natin mapupunuan ang kakulangan sa badyet?

Pangungutang lang ang paraan para magkaroon tayo ng panggastos.

Ganyan ang ating ekonomiya, mga Bro.

MAHIHIRAP NA MAMAMAYAN

Dahil sa anemic at malnourished ang ating ekonomiya, ibig sabihin na walang gaanong nalikhang trabaho para sa mamamayan.

Dahil sa walang trabaho, walang pambili ng mga produkto at serbisyo ang mamamayan.

Kaya naman matumal ang negosyo at hindi maiwasang magsara ang maraming kompanya.

Yung iba, napipilitan na lang na gumamit ng kontraktuwalisasyon upang makatipid sa sahod ng mga obrero at mananatiling buhay ang kanilang mga kompanya.

Pinagtitiisan ng mga ito ang paghihingalo ng kanilang negosyo o hanapbuhay.

GOBYERNO GUMAGASTOS

Kung susubaybayan natin ang nagaganap na bagsak na ekonomiya ng mga mayayamang bansa ngayon, ang ginagawa nila ay mismong ang pamahalaan ang nagbubuhos ng pondo.

Nagpapagawa sila ng mga pagawaing bayan gaya ng mga eskwela, kalsada, pier, airport at iba pa.

Nangangailangan ng semento, bakal, yero, bato, tubig, makina at iba pa ang mga proyekto.

Ang mga pabrika sa mga produktong ito ay nabubuhay at nakapagbebenta sa pamahalaan.

Dahil naman sa paglaki ng empleyo, nagkakaroon ang kanilang mga mamamayan ng kakayahan ng bumili ng kanilang mga sariling produkto at serbisyo.

Nagpapautang din ang kanilang mga pamahalaan sa mga nanghihina nilang mga negosyante.

Dito nagsisimulang sumigla muli ang kanilang ekonomiya.

May gumugulong na salapi na ikinabubuhay ng mga mamamayan at negosyante.

P72 BILYONG AGUA DE PATARANTA

Kung ano ang ginagawa ng ibang pamahalaan, ito ang nais na gawin ng pamahalaang PNoy.

Kaya naman nag-anunsyo ang pamahalaang PNoy ng P72B stimulus package o agua de pataranta.

Kumbaga sa lasinggero, kailangan niyang tumoma ng alak para sumigla.

Vitamins, mga Bro, ng ekonomiya ang P72B.

DAGDAG NA P20 BILYON

Pero wala pa yatang nasisimulang gawin mula sa P72B na pondo, agad na humirit ang ibang KKK ni PNoy ng dagdag na P20B.

Ito’y para mapabilis umano ang pag-unlad ng Pilipinas.

At maabot ang mataas na porsiyento ng pag-unlad ng ekonomiya natin.

NAKADUDUDA ANG GALAW

Kung kayo ang tatanungin ko, mga Bro, maniniwala ba kayong sa loob lamang ng dalawang buwan ay lulundag pataas ang ekonomiya ng Pinas dahil sa kabuuang P92 bilyong pondo?

Kahit si Herodes pa ang tatanungin ninyo, imposibleng makamit ng gobyerno ang biglaang pag-angat ng ekonomiya.

Unang-una, nasaan ang mga proyekto na gagawin?

Saan isasagawa ang mga proyekto?

Sa teritoryo lang ba ng mga KKK?

Paano ang mga nasalanta ng mga bagyo at sasalantain pa ng apat na bagyong darating?

Ang mga magsasaka, mangingisda, obrero, squatter, vendor, driver at iba pa ba ang pangunahing makikinabang sa mga proyekto?

Paano ka makagagawa ng proyekto sa tag-ulan?

O ang mga KKK at asendero lang ang mabibiyayaan?

MGA ATAT SA P92B SINO-SINO

Gusto nating makilala ang mga makakokorner ng mga kontrata na popondohan ng pera ng mamamayan.

Ang relasyon nila sa mga nasa Palasyo, Kongreso at Senado.

Hindi ba pambayad ang mga kontrata sa mga financier ng nakaraang halalan na ikinapanalo ni Pangulong Noynoy? Nagtatanong lang!

BIGLAANG PROGRAMA

Para sa atin, parang biglaan ang pagbubuhos ng pondo ng gobyerno.

Makaraang ipitin ang mga pondo sa mahigit isang taon, nakapagtatakang bigla na lang magbubuhos ang gobyerno ng ganyang kalaking halaga.

Kung emergency yan, okey na, fine pa.

Pero kung nasa emergency ang ekonomiya, hindi ba sariling kagagawan yan ng mismong pamahalaan?

Nagkakasakit ang ekonomiya at naghihikahos na ang kabuhayan ni Juan at ngayon ay kailangan ang ambulansiya para maihabol sa ICU kumbaga ang mahal kong Pinas.

MAGPALIWANAG KAYO

Dapat na magpaliwanag ang gobyerno sa nangyayari, kung bakit kinakailangan nang isakay sa ambulansiya ang Pinas at dadalhin sa ICU.

Hindi porke may hawak ang gobyerno halimbawa na P92B ay basta na lang aryahan para panligtas sa naghihingalo na buhay-buhay ng bansa.

Mabuting magkalinawan sa usaping ito dahil nanggagaling ang pondo sa pagpapawis ng lahat ng mamamayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring  i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply