P7B DOTC savings, ipinagagamit vs fare hike sa MRT/LRT

MAIIWASAN ang namimintong pagtaas ng singil sa pasahe sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) kung magiging mautak lamang si Transportation and Communication Secretary Manuel “Mar” Roxas II na gamitin ang P7 bilyong natipid ng ahensiya bilang subsidyo sa naturang mass transit system.

Sa panayam ngayong araw, sinabi ni Sen. Ralph Recto na may natipid na halagang P7 bilyon ang DOTC partikular ang P2 bilyong regular budget nito at P5 bilyon naman sa Public-Private Partnership program na hindi nagastos hanggang ngayon.

“Sa kabuuang badyet ngayon ng DOTC na umaabot sa P25 bilyon, inaasahang P18 bilyon lamang ang magagastos hanggang pagtatapos ng 2011, kaya’t magkaroon ng P7 bilyong savings,” ayon kay Recto.

Kaya, hinikayat ni Recto si dating Sen. Roxas na gamitin ang P7 bilyong natipid upang ilaan bilang subsidyo sa MRT at LRT upang maiwasan ang pagtaas ng singil sa pasahe at makahinga ang middle class sa sunod-sunod na pagtaas ng buwis tulad sa toll fees, produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin.

“Malaki ang savings nila doon and that’s why I am saying you don’t need a rate increase,” giit ng senador.

Sa mga nakalipas na buwan ay palaging ang ‘middle class’ ang tinatamaan ng pagtaas sa bayarin tulad na lamang ng pagtaas ng toll fee sa South Luzon Expressway, ang pagpapataw ng value added tax (VAT) sa toll fee, ang pagtaas ng presyo ng kuryente at ang napipintong pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT.

“Don’t squeeze the middle class, nag-VAT na kayo sa toll, may MRT-LRT increase pa sila kung gagawin nila yun, mayroon pang PSALM sa ERC,”pakiusap ng senador sa gobyerno.

Matatandaan na inaprubahan na ng DOTC ang umento sa pasahe sa MRT at LRT pero hindi pa maitakda kung kailan ito ipatutupad.

Umaabot sa isang milyong pasahero kada araw ang sumasakay sa MRT at LRT-1 habang 250,000 naman bawat araw sa LRT-2.

Nasa P10 hanggang P15 lamang ang pasahe sa MRT at LRT kung saan pinapasan na ng gobyerno ang kapupunan sa aktuwal na pasahe ng bawat pasahero.

Sakaling tuluyang ipatupad ang fare hike increase sa MRT at LRT, aabot sa P30 ang pasahe dahil magkakaroon ng P11 boarding fee at panibagong P1 bayad kada kilometro.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply