Pagbebenta ng NAIA tablado kay Villar

HINDI pa man nagsisimulang umusad ay tinabla kaagad ni Sen. Manny Villar ang panukala ni Transportation and Communications Secretary Manuel “Mar” Roxas II na ibenta sa pribadong sektor ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.

Ayon kay Villar, bago ambisyunin ni Roxas ang paglilipat ng NAIA sa Clark Development Authority sa Angeles City, Pampanga, kailangang bihisan muna ng gobyerno ang tinaguriang “worst airport” sa buong mundo.

Iginiit ni Villar, chairman ng Senate committee on economic affairs, dapat maging prayoridad ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang pagpapaganda ng NAIA-Terminal 1 matapos itong mabansagang “worst airport” nitong 2011 ng “The Guide to Sleeping in Airports” na isang site na nagrerebyu sa kagandahan ng istruktura at serbisyong ibinibigay ng paliparan sa buong mundo.

Aniya, ang paglipat ng NAIA sa Clark ay aabutin ng limang taon kung ngayon sisimulan kung kaya’t habang hinihintay na masimulan ang proyektong ito ay dapat munang atupagin ng DOTC ang pagpapaganda ng NAIA-Terminal 1.

Tiniyak ni Villar na kaya pang mapaganda ang 30-taong NAIA-Terminal 1 kung saan hindi na kinakailangan pang gumastos ng malaking pera ang gobyerno dahil ang dapat ayusin lamang dito ay ang mga comfort room, tubig, ang pagpapaliwanag ng madilim na terminal at iba pa.

Isa rin sa pinaka-importante rito ay turuan ang mga empleyado na maging magalang, maging malinis at mabango sa oras ng kanilang trabaho at iwasan ang paghingi ng lagay sa mga turista.

“Ang kailangan lang dito mga basic, yung mga comfort room, mga pintuan, malinis, magalang ang mga tao, mabango,”ani Villar.

Tiwala si Villar na mapapaganda pa ng gobyerno ang lumang NAIA-1 kung tutumbukin lamang ng management ang tamang direksyon ng rehabilitasyon nito.

“Tingin ko kayang gawing na magandang airport iyan,”dagdag ni Villar. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply