Pagdemolish sa simbahan hindi muna itinuloy

HINDI muna gigibain ng Quezon City government ang Our Lady of Fatima Church habang wala pang kaukulang permiso mula sa QC Department of Building Official (DBO) ang mga nagsusulong nito.

Ang Our Lady of Fatima Parish Church na matatagpuan sa Cordillera Street sa Barangay Don Manuel ay pinaplanong gibain upang mapagtayuan ng bagong gusali ng simbahan na may kolumbaryo na maaaring paglagyan ng mga abo ng namayapang mga tao na may kaukulang bayad.

Ayon kay Engr. Isagani Verzosa, Jr., hepe ng DBO, dapat munang dumaan sa tamang proseso ang anumang planong demolisyon upang hindi ito lumabag sa Presidential Decree 1096, lalo na sa isinasaad ng Section 3 ng naturang batas.

Sa ilalim ng Section 3, walang tao, kumpanya kasama ang alinmang ahensya ng gobyerno ang maaring magtayo, magbago, mag-ayos, gumamit, umokupa, gumalaw, magpagiba at magdagdag ng gusali o istraktura o bahagi nito ng walang pahintulot o walang hawak na building permit mula sa Building Official na may hurisdiksyon sa lugar ng nasabing gusali o istraktura.

Inamin ni Verzosa na ang kanyang departamento, sa utos ni  Mayor Herbert M. Bautista, ay mahigpit na ipinatutupad ang mga probisyon ng PD 1096 sa lahat ng proyektong ginagawa sa lungsod upang maiwasan ang anumang insidente na maaring mangyari na maisisisi sa pamahalaang lungsod at opisyales nito.

“We are very strict nowadays in the enforcement of the National Building Code because we do not want to be blamed if there are untoward incidents,” sinabi ng DBO chief.

Ayon kay Verzosa, ang cease and desist order na ipinadala kay Rev. Fr. Arthur Opiniano ng Our Lady of Fatima Parish ay naglalayon lamang na maiwasan ang anumang hakbang na hindi naaayon sa batas.  Robert C. Ticzon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply