Paghuhukom ng riding in tandem at kaso vs Arroyo

ABALANG-ABALA ang gobyernong Aquino sa paghahabol sa mga maysakit na kalaban nito sa pulitika.

Imbestigasyon dito, imbestigasyon doon, kaso rito, kaso roon ang inaatupag nito.

Pero habang very busy ito sa paghahabol sa mga inaakusahan nitong mga korap umano, hayan at dumarating na yata ang paghuhukom.

Yun bang paghuhukom ng mga riding in tandem sa motorsiklo.

ATTY. CESAR HULING BIKTIMA

Sa kuwento ng ating UZI, nagtataka siya kamakalawa ng gabi kung bakit sobra ang trapik sa kanto ng Pureza Street at Ramon Magsaysay Avenue sa Sta. Mesa, Manila.

Yun pala, sinentensiyahan ng riding in tandem sa nasabing lugar si Atty. Augustus Cesar, vice president for administration ng Polytechnic University of the Philippines.

Pauwi na galing sa kanyang unibersidad si Cesar nang tambangan siya.

Ilang bala ang tumama sa kanyang ulo at katawan at pinaulanan din ng bala ang paligid para walang makalapit sa lugar at malayang makatakas ang mga salarin.

JOHNSON PASCUAL, EDITOR

Nauna rito, riding in tandem din ang pumaslang kay Johnson Pascual na editor in chief at kolumnista ng local newspaper na Prime News sa lalawigan ng Isabela.

Papasok na sa kanyang trabaho sa umaga si Pascual nang ambusin ito ng mga mamamatay taong nakasakay sa motorsiklo.

Dahil sa pangyayari, nawalan ng kontrol sa manibela si Pascual at bumangga ito sa puno sa tabi ng kalsada ngunit ikinamatay nito ang

mga bala ng baril na tumama sa kanyang ulo at katawan.

UTOL NI GOV WAHAB AKBAR

Sa lalawigan ng Basilan, tinodas din ng riding in tandem ang kapatid ng pinaslang na gobernador ng Basilan.

Nakasakay sa motorsiklo si Engineer Basser Jainuddin, utol ng napatay na si ex-Basilan Governor Wahab Akbaran engineer at ang asawa niyang si Amina nang paputukan sila ng mga suspek bandang alas 7:00 ng gabi malapit lang sa Basilan State College sa Isabela City noong Lunes.

Gaya nina Atty. Cesar at mediaman Pascual, dead on the spot din si Engr. Jainuddin.

MULA LUZON HANGGANG MINDANAO

Tinatalakay natin ang mga pangyayaring ito hindi lamang upang kondenahin ang mga paghuhukom na ito kundi para sabihin sa mga awtoridad na napakalaganap na ang pamamaslang gamit ang motorsiklo.

Laganap ang pagpatay ng mga riding in tandem at hindi lang sa Metro Manila nagaganap ito kundi sa malalayong lugar sa Luzon at Mindanao.

DAAN-DAANG KASO

Ayon mismo sa mga pulis, mahigit 440 na ang mga kasong kinasasangkutan ng mga riding in tandem.

‘Yang pagnanakaw ang nangunguna sa rekord ng mga riding in tandem pero kasunod dito ang pagpatay at pag-carjack.

Hindi kasama rito, mga Bro, ang mga kaso nina Atty. Cesar, kasamang Pascual at Engr. Jainuddin at iba pang naging biktima sa buwan ng Oktubre.

WALANG NAHUHULI

Gusto nating malaman kung ano-ano na ang mga ginagawa ng mga awtoridad sa mga kasong kinasasangkutan ng mga riding in tandem.

Gaano na karami ang naso-solve ng PNP, PNP chief General Nick Bartolome?

May naiuulat ang mga pulis na nakae-engkuwentro sila at napapatay.

Pero bakit dumarami ang mga kasong gawa ng mga riding in tandem?

Sino-sino ba talaga yang mga kriminal na sakay ng mga motorsiklo?

BAGONG BANDIDO NAKADUDUDA

Sa totoo lang nakadududa ang marami sa mga bandido na ito.

Kamakailan lang, eh, napatay ng mga pulis ang isang  riding in tandem sa Pangasinan.

Anak ng tokwa, pulis pala ang isa sa mga ito.

Bagong pulis at dahil sa pulis, ang lakas ng loob nito na magnakaw.

Hindi kaya mga awtoridad ang marami sa mga riding in tandem?

WALANG CHECKPOINT

Kapag isa kasing pulis o sundalo ang kriminal, karaniwang nakalilibre siya nang madali sa mga checkpoint.

Hindi rin siya gaanong kinakapkapan ng mga nagsasagawa ng checkpoint.

Kahit may bitbit silang  baril, madali rin silang makalibre sa pag-uusisa dahil may papel nga sila sa baril.

At sa totoo lang, bulong ng ating UZI, marami talaga ang mga salvaging na ginagawa ng ilang iskalawag na pulis.

Ang tanong ngayon, sila ba ang may kagagawan sa kamatayan nina Cesar, Pascual at Jainuddin?

ALING GLORIA PANAKIP-BUTAS

Kahit siguro hindi totoo, naiisip tuloy ng ating UZI na ginagawang panakip-butas na lang ang mga kaso nina Aling Gloria sa mga hindi

magandang nagaganap at walang solusyong problema na lumilitaw sa panahon ni Pangulong Noynoy.

Grabe ang kalagayang nililikha ng riding in tandem at malinaw na nagpapakita ito ng kawalan na ng kontrol ng pamahalaang Aquino sa lumalalang krimen sa bansa.

Totoo na nagbababala ang PNP laban sa paglaganap ng krimen dahil sa nalalapit na Kapaskuhan.

Pero hanggang sa babala lang ba magaling ang PNP? Paano ang pagdakip sa mga berdugo sa lansangan?

Isa pa, malinaw na walang koneksyon sa Kapaskuhan ang pagpatay sa nabanggit na nating mga biktima at gawa ng mga professional

killer.

Pero nasaan ang malalim at mapursiging aksyon ng pamahalaan, lalo na ng mga kapulisan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring mag-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply