Pagpapalawig ng TRO vs PALEA ibinasura

IBINASURA kannang umaga ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang hiling ng abogado ng Philippine Airlines (PAL) na palawigin pa ang 72-oras na temporary restraining order (TRO) na unang ipinagkaloob sa kanila ng korte na naglalayong pigilan ang mga opisyal at miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) na manatili sa pagsasagawa ng kilos-protesta sa inflight center sa Pasay City.

Ayon kay Pasay RTC Judge Ma. Rosario Ragasa ng Branch 108, hindi na kinakailangan pang palawigin ang TRO dahil hindi naman nakakaperhuwisyo ang mga ito sa operasyon ng flag carrier ng bansa.

Magugunita na una ng naglabas noong Oktubre 17 ng TRO si Pasay City Executive Judge Edwin Ramiso ng 72-oras na TRO gayung nai-raffle na ang kaso at bumagsak sa sala ni Ragasa.

Nagpasya namang maglabas ng status quo order si Judge Ragasa noong Oktubre 19 upang mapigil ang tensiyon sa pagitan ng PALEA at kapulisan sanhi ng patuloy na pagpi-piket ng grupo sa harapan ng inflight center sa kabila ng TRO.

Dahil dito, naghain ng mosyon ang PAL na humihiling kay Ragasa na bitawan ang kaso, subalit hiningan muna rito ng komento ng naturang hukom ang magkabilang panig bago maglabas ng kaukulang desisyon.

Sa naganap namang pagdinig, hindi naiwasan ni Ragasa na maparunggitan si Ramiso lalo na’t humirit pa ng mosyon ang huli upang maipatupad ang TRO gayung nasa ilalim na ng kapangyarihan ng una ang usapin matapos itong mai-raffle at bumagsak sa kanyang sala.

Iginiit pa ni Ragasa na dapat ay nagbigay-galang si Ramiso at ang sheriff na si Virgilio Villar sa kanyang sala at kausapin muna siya kaugnay sa usapin bago ipatupad ang TRO.

Kaugnay nito’y nagsumite na rin ng kanilang reklamo sa Korte Suprema ang PALEA sa pamamagitan ng kanilang pangulong si Gerardo Rivera upang isailalim sa imbestigasyon sina Ramiso dahil sa umano’y paglabag nito sa New Code of Judicial Conduct of the Philippine Judiciary at Deputy Sherriff Virgilio Villar ng Office of Clerk of Court dahil naman sa paglabag sa Code of Conduct for Court Personnel.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply