Palasyo umamin na may sumusulsol sa mga sundalo

INAMIN ng Palasyo na mayroong mga grupong nais magsamantala sa sitwasyon kasunod ng pagkamatay ng 19 na sundalo sa Al Barka, Basilan.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na alam nilang may grupong sumusulsol at sumusubok na mapaalab ang emosyon ng mga sundalo subalit tumanggi na itong tukuyin ang naturang grupo.

Ayaw naman tawagin ni Valte na destabilisasyon at kudeta ang niluluto kaya inuudyukan ang mga sundalo.

Tiniyak ni Valte na pinakilos na ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino ang intelligence community para talasan ang pagmamanman sa grupong nanggagatong para mag-alab ang mga sundalo.

Ayon naman kay Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ay dapat na kumilos si Pangulong Aquino bago pa tuluyang bumagsak ang moral ng mga sundalo.

Sinabi ni Pimentel na bilang Commander-In-Chief ay katungkulan ng Pangulo at liderato ng AFP na laging itaas ang moral ng mga tropa sa pamamagitan ng words of encouragement.

Ang payo ni Pimentel ay kasunod ng kumpirmasyon ni Senador Antonio Trillanes IV na mababa ngayon ang moral ng mga sundalo dahil sa pagtanggi ni Pangulong Aquino na magdeklara ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF). Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply