Pamana ni PNoy: Mahal na kuryente, langis at EVAT

TAONG 2016 pa lalayas si Pangulong Noynoy sa Palasyo ng Malakanyang.

Yan ay kung hindi mamaniobrahin ng kanyang mga KKK sa Kamara at Senado ang 1987 Konstitusyon para manatili siya sa kanyang puwesto.

…At para manatili rin sa puwesto ang kanyang mga KKK. Hehehehe!

Ang sarap yatang maging KKK.

Magkaroon ka man ng kaso sa LTO, hindi uusad.

Mahulihan ng baril ang mga lasieng mong tauhan, libre ka rin.

At kung may kaaway ka, ang bibilis ng mga kaso na isasampa laban sa mga ito.

May taning pa.

Hindi aabutin ng Pasko ang pagkakulong ng iyong kaaway.

PAMANANG IPAMAMANA

Sa kanyang pag-alis, tiyak na mayroon siyang ipamamana.

Pero alam ba ninyo, mga Bro, ang kanyang mga ipamamana?

Ang mga minana niyang talaga namang sobrang pabigat sa buhay ng nakararaming mamamayan.

SOBRANG MAHAL NA KURYENTE

Number one sa Asya ang Pinas sa may pinakamahal na kuryente. At number 5 ito sa buong mundo.

Akalain mo, ginawa ang Electric Power Industry Reform Act o EPIRA para bumaba raw ang kuryente.

Anak ng pitong putakte, lalong tumaas ang kuryente sa Pinas.

DATING P5/KW NGAYO’Y P20 NA

Yung dating P5 kada kilwatthour ay nagiging P20.

Lalo na ang mga kuryente na nililikha ng mga Independent Power Producer.

Kasama na rin dito ang nagmahal na ring singil sa transmission lines nang ibenta ang Napocor transmission lines sa pribadong sektor.

NAGMAHAL DIN SA WESM

Itong Divisoria o bagsakan ng kuryente na binansagang Wholesale Electricity Market na nilikha ng EPIRA ay wala ring kuwenta.

Ang sabi nila noon, dahil bultuhan ang bentahan ng kuryente sa WESM, magiging mura ito.

Maglalaban-laban umano ang mga producer sa presyo kaya bababa ang kuryente.

Anak ng tokwa, naglalaban-laban nga ang mga ito pero pataas ang halaga.

Hindi pababa.

Puwehehehehe!

Napakalaking kasinungalingan ang nagaganap sa kuryente.

NI HO, NI HA SA EPIRA

Antay tayo nang antay kung ano ang gagawin ni PNoy rito o ang kanyang mga KKK.

Wala tayong naririnig.

Ang naririnig lang natin ay tuwang-tuwa ang kanyang mga KKK sa kakokolekta ng Expanded Value Added Tax na 12% dito.

At lalo tayong walang naririnig kung ano ang gagawin ng “matuwid na daan” sa EPIRA.

DEREGULASYON SA LANGIS

Kung ano ang nagaganap sa kuryente, ganito rin ang sa petrolyo.

Ginawa ang Oil Dergulation Law para maglalaban-laban umano ang mga kompanyang langis at dito tiyak na bababa ang presyo ng petrolyo.

Anak ng mga putakte, naglalaban-laban nga ang mga kompanya pero electric companies style.

Pataas nang pataas ng presyo ang labanan.

Kung may pababa man, bibihira at maliliit pa.

SYNCHRONIZED OVERPRICING

Dahil sa Oil Deregulation Law, sabay-sabay lagi ang mga kompanya ng langis sa pagtataas nang pagtataas at bibihirang pagbababa ng presyo.

Pero sa kuwenta nina comrade George San Mateo at Senador Ralph “EVAT” Recto, higit na magaling sa synchronized overpricing ang mga kompanya ng langis.

Walang panama ang synchronized na pagsasagwan ng world champion nating Dragon Boat Team sa galing na magsagwan para sa overpricing ang mga kompanya ng langis.

“Wala kaming magagawa!”

Meron namang boses ang pamahalaang PNoy ukol sa petrolyo.

“Wala kaming magagawa!” Yan ang sinasabi ng mga taga-Department of Energy ukol sa sobrang mahal na petrolyo sa bansa.

Ngayon lang nakakita at nakarinig ang ating UZI ng mga taong gobyerno na wala silang magagawa.

Maging ang mga KKK sa Kamara at Senado ay hindi ring kumikilos laban sa Oil Deregulation Law.

Ano na lang ang mangyayari sa matuwid na landas sa ganitong klase ng mga taga-Palasyo at Kongreso?

PIYESTA SA EVAT

Kung walang nagagawa o ayaw gumawa ang mga nasa Palasyo at Kongreso sa mga problema sa kuryente at petrolyo, ganito rin ang malinaw na nagaganap sa EVAT.

EVAT sa langis, sa toll, sa kuryente at lahat na.

Nagiging manhid at bingi ang mga KKK sa naghihingalo nang mamamayan, negosyante, driver at iba pa sa pagpapataw din ng EVAT, maging sa kuryente.

Yun pala, higit na kumikita ang pamahalaan kaysa mga kompanya ng kuryente at kompanyang langis sa EVAT kaya hindi ito kumikilos laban sa nasabing mga kompanya.

Habang mas mahal ang kuryente, langis at toll, mas malaki ang EVAT.

PAMANA NI PNOY

Kung walang gagawin si PNoy rito, ito na ang mga pinakamalalaking pamana niya sa kanyang mga Boss.

Magiging maliit lang ang pagpapakulong niya sa mga sinasabi niyang korap at sumisira sa pamahalaan.

Lahat naghihirap at nagugutom ang nakararami dahil sa mga problemang ito pero dinededma lang nina PNoy.

Tanungin niyo pa ang mga taga-barangay.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply