Panibagong oil price hike pinarerendahan kay PNoy

PINARERENDAHAN ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) kay Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang napipintong pagtaas na naman ng presyo ng petrolyo sa susunod na linggo.

Ginawa ni George San Mateo, secretary general ng Piston, ang pahayag matapos na mapaulat sa media ang panibagong oil price hike na piso sa Gasolina at 30 sentimos sa diesel.

Ayon sa Piston, dapat nang kumilos si Pangulong Aquino upang pigilan ang anumang napipintong pagtaas ng produktong petrolyo lalo pa at lalong naghihirap sa krisis at kalamidad ang mga tsuper at mamamayang Pilipino.

Sinabi pa ni San mateo na tila nawalan ng saysay ang pangko ng Pangulo na paimbestigahan ang  ang Big 3 sa isang inter-agency task force ng gobyerno hinggil sa overpricing sa mga produktong petrolyo gayundin ang pagpaparepaso sa Oil Deregulation Law.

Aniya, walang nangyari sa mga panagako ni Aquino sa ginanap na dayalogo na dinaluhan ng Piston nuong Setyembre 14.

Nagbabala naman si San Mateo na kapag hindi tinupad ang pangako ng Pangulo ay magsasagawa muli sila ng serye ng pagkilos kasama ang kanilang mga kaalyado.

Matatandaan na nagsagawa ng tatlong beses na nationwide protest ang grupo noong Marso 31, Agosto 31 at ang pinakahuli noong Setyembre 19.

Sinabi pa ni San Mateo na hindi sapat ang balak ng Petron Corporation na ibenta ang refinery nito sa Bataan upang matigil ang overpricing at maibaba ang presyo ng langis sa bansa.

Dapat umanong maibasura muna ang Oil Deregulation Law upang mailagay sa epektibong regulasyon ng gobyerno ang pagpepresyo ng petrolyo at industriya ng langis sa ating bansa at upang mabantayan at mabusisi ng mabuti ang overpricing.

Kaakibat nito, ayon kay San Mateo, napakahalagang maibalik ang buong Petron Corporation sa pag-aari ng publiko para maimpluwensyahan ng pamahalaan ang local oil prices sa layuning maging abot-kaya ito sa mga tsuper at mamamayang Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply