Perwisyo ng MWSI

MARAMI ang napikon sa traffic na idinulot ng paghuhukay ng Maynilad Water Services Inc. sa Damong Maliit malapit sa Jordan Heights sa  Novaliches, Quezon City noong Lunes ng hapon.

Mula alas-5 ay hindi na nagbibigayan ang mga sasakyang dumaraan sa nasabing lugar dahil sa pag-iwas sa hukay na nilikha ng nasabing water concessionaire kaya naman ay halos abutin ng kalahating oras bago makalusot ang mga sasakyan patungong bayan at pauwi ng Barangay Llano at Bignay.

Todo-todong perwisyo ang ibinigay sa mga empleyadong nais makauwi na ng bahay upang maipahinga ang pagod na katawan subalit walang masakyang tricycle dahil naipit nga sa trapiko sa makipot na kalye ng Damong Maliit.

Maging ang mga papasok na empleyado sa mga pabrikang malapit lang sa lugar ng pinaghukayan ng MWSI ay naasar din sapagkat hindi sila umabot sa oras ng kanilang pasok kaya naman may kaltas ang kanilang sahod para sa araw na iyon.

Ang nakaaasar pa, sinamantala ng maraming tricycle driver ang sitwasyon kaya naman siningil nila ng halos doble ang mga pasaherong nais makauwi na kaagad at hindi na daraan sa nasabing kalye na bukod sa makipot na ay nagkaroon pa ng bara dahil nga sa hukay sa kalye na likha ng Maynilad.

Malayo nga naman ang daan ng Caybiga dahil iikot pa ito sa sabungan kaya kailangang mas mahal ang pasahe.

Hindi nawawala sa ugali ng mga Filipino ang pagsasamantala sa pagkakataon.

Maganda sana kung ang pagsasamantala sa kapwa ay para sa kapakanan ng lahat at hindi ng iilan lamang.

Kailangan pa bang may mangyaring mga sakuna bago ipakita ng mga tao ang kanilang pagmamalasakit sa kanilang kapwa-tao?

Kailangan pa bang may dumating na kalamidad bago tayo tumulong at magbigay ng mga pangangailangan ng mga biktima?

Sana naman ay maisip natin na tulungan ang kapwa maging sa simpleng pagkakataon at paraan at huwag samantalahin ang kahinaan.

Sa kaso ng MWSI, kung nakipag-coordinate lang sana sila sa traffic police ng Quezon City at Caloocan City, ‘di sana’y hindi marami ang naperwisyo ng ginawa ninyong paghuhukay.

Dito tamang-tama talaga ang slogan ninyo na “Dadaloy din ang gin-hawa.”

Bukod sa nakapagmando ng trapiko ang mga enforcer, nabantayan pa rin sana ng mga ito ang mga tsuper na naniningil ng mahal sa mga pasahero.

Isa pang reklamo ng mga residente at consumer ng water concessionaire, ugaling-ugali na ng contractor nito na iwanang hindi naayos ang kalyeng hinukay o sinira para lang sa pagsasaayos ng serbisyo ng kanilang kompanya.

Aba’y sobra na ang ginagawa ninyong perwisyo.

Hinihintay ninyong ang pamahalaan ang magsemento ng mga hinukay ninyo samantalang ang kinikita ninyo mula sa bayad ng mga tao sa inyong putol-putol at mahinang serbisyo ay di naman pinakikinabangan ng taumbayan o maging ng gobyerno.

Nais ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya,  pamahalaan o pribadong indibidwal?

Maaari kayong mag-text sa 09215175814o mag-email sa Santi _lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply