PHL nasa heightened alert vs botcha– NMIS

INILAGAY na sa heightened alert status ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang buong bansa ngayong “ber” months dahil magiging talamak ang bentahan ng botcha o double dead na karne.

Ayon kay NMIS Executive Director Jane Bacayo, araw-araw, gabi-gabi nang mag-iinspeksyon sa mga palengke at slaughter house ang Task Force Bantay Karne na binubuo ng mga meat inspector at beterinaryo upang makatiyak na hindi botcha at ligtas sa anumang sakit ang mga karneng mabibili ng publiko.

Sinabi ni Bacayo, mula nang pumasok ang “ber” month ngayong taon ay nasa 20,000 kilo na ng botchang karne ang kanilang nakumpiska kaya mas pinaigting pa nila ang operasyon maging sa mga processed meat.

Payo ni Bacayo sa mga mimili na tiyakin na may NMIS certificate ang tindahang pagbibilhan upang makasiguro na ligtas ang bibilhing karne.

Dapat aniyang kilatisin ang karne at ilan sa mga palatandaan kung double dead ang karne ay kung may namumuong dugo sa laman, madulas, maputlang-maputla, mabilis maghiwa-hiwalay ang laman, malansa at ibinabad sa yelo.

Talamak naman aniya ang bentahan ng botchang karne sa mga palengke ng Balintawak, Pasay at Divisoria at pati na sa  Rehiyon 3 at 4-A na pangunahing pinanggagalingan nito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply