Pictorial nina Nora Aunor, Anne Curtis na may yosi binatikos

HINDI nagustuhan ng Philippine Medical Association (PMA) ang mga larawan ng mga artistang sina superstar Nora Aunor at Anne Curtis na naglabasan sa dalawang magazine na may hawak silang sigarilyo dahil hindi anila ito magandang ehemplo para sa mga kabataan.

Nabatid na ang larawan ni Aunor sa “Yes!” magazine cover na may hawak na sigarilyo habang ang larawan naman ni Curtis ay lumabas sa Rogue magazine ngayong Oktubre.

Mariin itong binatikos ng PMA, na nagsusulong ng “smoke-free Philippines” campaign.

Ayon sa PMA, hindi maganda ang impresyon na isinusulong sa mga kabataan ng mga naturang imahe ng dalawang aktres.

Iginiit ng PMA na dapat na maging sensitibo at responsable ang mga publisher, producer at mga artista sa kanilang impluwensiya sa lipunan.

Binigyang-diin ng grupo na nakamamatay ang paninigarilyo, pati na ang second- at third-hand smoke, kaya’t hindi ito dapat na maging bisyo ng mga kabataan.

Kaagad namang nilinaw ng PMA, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Dr. Mike Aragon, na hindi nila pinepersonal ang dalawang aktres.

Aniya pa, hindi rin ito isyu ng freedom of expression gaya ng depensa ng “Yes!” magazine dahil ang tunay na usapin dito ay buhay o kamatayan.

Humingi naman na ng paumanhin si Aunor sa mga taong hindi nakagusto sa kaniyang pictorial habang wala pang sagot dito ang panig ng Rogue magazine gayundin si Curtis na nasa Thailand. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply