Pinagbabawalang magbigay ng mamahaling regalo

PINAGBABAWALAN pala si Toni Gonzaga ng nanay n’yang si Mommy Pinty na magbigay ng mamahaling regalo sa boyfriend n’yang si Paul Soriano.”There was a time na binigyan ko ng mamahaling bag si Paul dahil boyfriend ko naman siya. Sabi ni Mommy Pinty, hindi raw maganda na nagriregalo ng mamahaling gamit ang isang babae maski na sa boyfriend n’ya. Kulang na lang na ipabawi n’ya sa akin yung iniregalo kong bag kay Paul,” pabungisngis na kuwento ni Toni sa maliit na kulumpon ng entertainment reporters pagkatatapos ng general open forum noong Martes ng gabi para sa latest edition ng Pinoy Big Brother (PBB) ng ABS-CBN kung saan isa pa rin siya sa mga host.

Eh paano naman nalalaman ng ina n’ya kapag nagriregalo siya kay Paul? Di ba n’ya hawak ang pera n’ya?

“Naku, di n’yo alam kung gaano kagaling si Mommy Pinty. Pwede yung mag-CIA, o mag-FBI. Pag nagwi-withdraw nga ako ng malaking pera sa bangko, nadidiskubre n’ya. Kung may date nga akong di ko pinagpaalam sa kanya, biglang nauna pa siya sa akin na dumating sa place na pinag-usapan namin,” nakatawa pa ring sagot ni Toni sa pangungulit ng press sa kanya. (Ang CIA nga pala ay ang Central Intelligence of America, at ang FBI naman ay ang Federal Bureau of Investigation ng Amerika pa rin.)

Si Mommy Pinty na rin pala ang manager n’ya, kaya nga alam nito kung magkano ang kinikita ni Toni. At nakatutuwa naman na hindi n’ya minamasama ang paghihigpit sa kanya ng kanyang ina. She doesn’t feel oppressed by it all. Ginagawa na lang n’yang katatawaan ang sitwasyon n’ya sa buhay.

“Sinabihan naman ako ng parents ko na habang nasa poder nila ako, kailangang sumunod muna ako sa kanila. Dahil enjoy naman ako na kasama ko sila sa bahay, sinusunod ko ang pagpapatakbo nila sa buhay ko,” kalmante n’yang paliwanag.

Itinuloy pa rin naming mga reporter ang pangungulit kay Toni. So anu-ano na lang ang inireregalo n’ya kay Paul mula nung sinabihan siya ng kanyang butihing ina?

“Naku, hindi na bag, wallet na lang!” sagot naman n’yang nakatawa pa rin. “Saka kung anu-ano na lang na maliliit na bagay. Minsan card na lang!”

Baka naman kasi hindi man lang niriregaluhan ni Paul si Mommy Pinty, kaya ayaw n’yang pagregaluhin ka kay Paul ng mamahalin, pangangatwiran ng isang katoto namin.

“Naku, nagriregalo naman yung tao. Hindi naman kuripot yon. Madalas, damit ang regalo n’ya. Minsan bulaklak,” sagot ng mabait na anak at bungisngis na girlfriend. “Nung minsan naman, Bible yata ang iniregalo ni Paul!” tawang-tawang pahabol nito.
Born Again Christian sina Toni (pati rin si Paul), at marami na sigurong Bible sa bahay nila, kaya natatawa siya ng niregaluhan pa ni Paul ng Bible ang ina n’ya.

“Eh ang sarili mo, kelan mo ibibigay kay Paul?” biglang walang-takot na tanong ng isang katoto namin. Akala namin ay biglang iinit ang ulo ni Toni, o masisira ang mood. Pero kaswal lang na sagot n’ya: “Kayo naman, hintayin n’yo na munang matapos ko ang commitment ko sa PBB bago n’yo itanong yan. Hindi naman ako nagmamadali na ibigay ang sarili ko sa kanya. Darating din yon.”

Nilinaw din nga pala n’ya na sa sandaling mag-asawa na siya, hindi na siya pakikialaman ng nanay n’ya, at siya na rin lang ang bahala kung paano n’ya gugugulin ang oras n’ya at pera.

Bungisngis nang bungisngis nga si Toni sa group interview na yon, samantalang nung mismong press conference, seryosong-seryoso siya. Akala nga namin ay malungkot siya at parang umiwas talaga siyang magsalita tungkol kay Mariel Rodriguez na rati n’yang kapwa-host sa PBB bagama’t nakalipat na nga ito sa TV5. Alam naman ng lahat na nagkairingan sila ng misis ni Robin Padilla (na sana ay makakatambal ni Toni sa isang pelikula, pero hindi na natuloy nu’ng maging girlfriend ni Robin si Mariel). May mga intriga pa nga noon na kaya nagpasyang lumipat si Mariel eh dahil hindi na n’ya makayang makasama pa si Toni. Dati silang magkasama rin sa Happy Yippee Yehey. Si Bianca Gonzales lang nung PBB press-con ang ulit nang ulit na magkakaibigan sila nina Toni at Mariel. Ni pangalan ni Mariel ay hindi binanggit ni Toni nung press-con ni minsan.

Host pa rin nga ng PBB si Bianca (na nakasali rin noon sa isang PBB Celebrity Edition), pero nadagdag sina Robi Domingo (na naging grand finalist ng isang PBB Teen Edition) at Martin Concio, ang pangalawang anak ni Charo Santos-Concio, na presidente “lang” naman ng ABS-CBN. Dating isa sa mga host si Martin ng tinigbak nang Music Uplate Live (na sa ABS-CBN 2 din ipinapalabas).

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply