Plate number sa helmet

MULI na namang nabuhay ang usapin ukol sa paglagay ng plate number sa helmet ng mga nagmo-motorsiklo.  Ito ay dahil sa tumataas na krimen dulot ng mga “riding in tandem.”  Ito ba talaga ang solusyon? Bakit kailangan madamay ang mga motorista dahil sa kakulangan ng mga law enforcers?

Lahat ba ng kriminal ay nakasakay sa motorsiklo at naka-helmet? Maraming krimen na nagaganap na ang suspek ay naka-kotse, naglalakad at higit sa lahat ay hindi naka- helmet. Ang pagkakaalam ko ay trabaho ng pulis ang humuli sa mga kriminal. Dahil hindi nila mahuli, ang lahat ng nagmo-motor ay idadamay nila sa pamamagitan ng paglagay ng plate number sticker sa helmet.  Sa ibang lungsod at bayan dito sa Pilipinas ay bawal ang magsuot ng helmet kahit na may national law tayo ukol sa pagsusuot nito. Ang katwiran ng local government nitong mga  lungsod at bayan na ito ay para iwas-krimen daw.

Ang helmet ay isang protective gear na sinusuot sa ulo para maingatan ito kung sakali tayo ay maaksidente sa pagmo-motor. Ang mga helmet ay may iba’t ibang disenyo at presyo. May mura at may mga mamahalin. Kadalasan ay pumipili ayon sa disensyong gusto natin. Ito ay isang private property ng tao na siya lang ang may karapatan kung ano ang gusto niyang gawin dito.

Maraming katanungan ukol sa plate number sticker sa helmet. Isa na rito ay paano kung marami kang motorsiklo?
Obligadoka ngayong bumili ng maraming helmet. O kaya kung may 3 kang motorsiklo ay magdidikit ka ng tatlong sticker sa iyong helmet.

Pambihira naman. Paano yung mga may sampung motorsiklo? Ano na lang ang itsura ng kanyang helmet pagkatapos kabitan ng sampung sticker? Matitigil o mababawasan kaya ang krimen? Alam naman nating madalli lang kumopya ng mga sticker. Madadamay pa yung totoong may-ari ng plate number na pinagkopyahan. Baka dumami lang ang mga inosente na maaaresto dahil lang sa kinopya ng kriminal ang kanyang plate number.

Police visibility po ang problema at trabaho rin nila ang paghuli sa mga kriminal kaya huwag niyo na idamay ang mga motorista. Kung hindi ninyo mahuli ang mga kriminal ay hindi naman namin kasalanan iyon. At sa mga lugar naman na ipinagbabawal ang pagsuot ng helmet ay sana pag-aralan niyo po muli ito. Sa kakaiwas sa krimen ay maaari namang mamatay o maisapeligro ang buhay ng isang inosenteng nagmo-motor lamang kung siya ay biglang maaksidente o matumba sa kanyang motorsiklo.

***
Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810 AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide.

Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/Inside Motoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply