PNoy kinalampag sa 30,000 OFW galing Libya

KINALAMPAG ni Sen. Manny Villar ang pamunuan ni Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa pagbabalik ng 30,000 overseas Filipino workers (OFW) na nawalan ng trabaho nang pumutok ang kaguluhan sa Libya na ngayon ay bumabalik na sa normal na sitwasyon.

Ayon kay Villar, dapat maibalik ng pamahalaan ang manggagawang nawalan ng trabaho sa Libya na sa ngayon ay tiyak na magkakaroon ng malawakang reconstruction project sa bansa matapos madurog ang civil war na ikinamatay ni dating Pangulong Moammar Gadaffi.

Mayroong 30,000 OFW na dating nagtatrabaho sa Libya subalit nang pumutok ang kaguluhan doon simula noong Pebrero ay unti-unti silang nagsilikas pauwi ng Pilipinas. Mayroon namang tinatayang 1,600 OFW na nagpaiwan sa nasabing bansa.

Umaasa si Villar na sa pagkamatay ni Gaddafi, matatapos na rin ang kaguluhan sa nasabing North African nation kung saan magsisimula na ang kanilang reconstruction at maraming Filipino ang tiyak na muling kukunin para magtrabaho dito.

“Isang bagay lang kapag tapos na ang giyera, siyempre merong reconstruction yan. Kapag may reconstruction ang isang bansa, marami silang kakailanganing workers, marami silang kakailanganing kababayan natin,” ani Villar.

Sa kabila nito, sinabi ng senador na hindi dapat magmadali ang gobyerno sa pagpapadala ng manggagawa sa Libya dahil kailangan pa ring manmanan kung talagang humupa na ang tensyon sa pagitan ng mga rebelde at loyalista ni Gaddafi at kung naibalik na ang pagpapanatili ng peace and order sa nasabing bansa.

“We should still be careful dahil hindi pa naman agad matatapos yan, meron pa ring kaunting gulo. Hintayin pa rin natin pero nakikita kong pangmatagalan pananaw dyan ay maganda dahil maraming langis ang Libya at marami silang kakailanganing pinoy pagdating ng araw,” ani Villar.

Karamihan ng mga OFW na dating nagtrabaho sa Libya ay mga skilled workers at dokumentado ng Overseas Workers and Welfare Administration (OWWA) na hindi tulad ng mga OFW sa Syria na karamihan ay mga undocumented na domestic helper. Ernie Reyes

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply