PNoy vs power rate

PANAHON na sigurong bigyang-pansin ng mga lider ng bayan ang sobrang taas na presyo ng kuryente na sinisingil kay Mang Juan.

Pakiwari kasi natin, ang napakataas na power rate ang isa sa mga dahilan kung bakit ang sambayanan ay hirap na hirap sa buhay.

Sa nakaraang limang taon, dumoble ang binabayaran ng mga Pinoy sa kanilang daily consumption ng kuryente.

Ang dating P2,500 na bayarin, ngayo’y naging P5,000 at humigit pa, kahit na ang nakonsumong kuryente ay tulad lang ng dati.

Ito’y malaking suliranin, lalo na ang mga kulang sa buhay. Pero, bakit tila, hindi nabibigyan ng kaukulang pansin ng gobyerno?

Nakikita natin na binibigyang-pansin ito ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino, pero pakiwari natin, ‘di sapat.

Si Mang Juan ay ‘di naman katulad ng mga lider natin sa gobyerno na kahit na magkano ang bayarin sa kuryente ay ayos lang.

Ang mayorya ng mga Pinoy, kung may pinagkakakitaan man ay ‘di tulad ng mga secretary, senator at congressman na may pera.  Mahirap lutasin ang kinahaharap ng Pinas na problema ng sobrang taas na bayarin sa kuryente, pero ang katotohanan, ito’y may kalutasan.

May kasabihan na kapag gustong isakatuparan ang isang bagay,  maisasakatuparan. Pero kung ayaw isakaturapan, maraming dahilan.

Magagawa na maibaba ang sobrang taas na bayarin ni Mang Juan sa kuryente kung nanaisin lang ng gobyerno.

Kung paano…alam nila yan, ayaw lang talaga nilang kumilos. ‘Yon lang yon.

TALAMAK ANG SUGAL SA R4-A

Tila, walang magawa si police Dir. Gen. Nick Bartolome sa lantaran na pamamayagpag ng iligal na sugal sa nasasakupan ng Region 4-A.

Lahat daw ng uri ng sugal tulad ng jueteng, STL bookies, video karera, loteng at pergalan ay namumutiktik sa rehiyon na ito.

At kaya raw nananatili ang bisyo rito ay dahil sa ang pasimuno ay mga sikat na mga opisyal
ng rehiyon, sa pangunguna ng isang nagpapakilalang Col. Peralta.

Kaya ang tanong natin eh, ano ang ginagawa ni R4-A director Gil Meneses, siya ba’y natutulog sa pansitan?

Ang nangyayaring ito sa R4-A ay reflection ng mahinang pamunuan, ‘di lang kay Gen. Meneses, ngunit higit sa lahat kay Gen. Bartolome.

Ganoon lang kasimple yon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply