Pondo inilaan sa nawalan ng bahay sa Bulacan

NAGLAAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD)-III ng tulong pinansyal na P70,000 sa mga pamilyang nawalan ng bahay dahil sa bagyo sa Bulacan.

Sa ilalim ng Core Shelter Assistance Project (CSAP), popondohan ng DSWD ang pagpapatayo ng mga murang bahay na hindi umano matitinag ng bagyo habang bubuo naman ang mga pamilya ng samahan upang itayo ang naturang mga bahay.

“Ang programang ito ay para lamang sa mga pamilyang naapektuhan ang mga bahay ay tuluyang nasira o napinsala dahil sa mga kalamidad na natural o gawa ng tao upang maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay,” ayon sa DSWD.

Kakayanin ng itatayong bahay ang lindol na may lakas na intensity 4 sa Richter scale at sa hangin na may bilis na 180-220 kph. Ito ay katumbas ng isang malakas na bagyo.

Batay sa tala ng Office of Civil Defense (OCD)-III, 2,399 bahay ang nawasak ng bagyong “Pedring” sa Gitnang Luzon at 12,053 naman ang napinsala habang 36 na bahay ang winasak ni “Quiel” at 106 ang bahagyang nasira.

Maliban sa CSAP, nagkakaloob din ang DSWD sa ilalim ng Emergency Shelter Assistance nito ng P10,000 para sa mga tuluyang nasirang bahay at P5,000-P10,000 para sa mga napinsala.

Sa agrikultura naman, nagbibigay ang Department of Agriculture (DA)-III ng 100 porsiyentong ayuda ng hybrid at certified na palay para sa mga lubusang nasalanta at 50 porsiyento naman para sa mga naapektuhan.

Samantala, nagpapamahagi ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-III ng gamot para sa mga isda at fingerlings.

Para sa mga katanungan, tumawag sa DSWD sa (045) 246-70-21, DA sa (045) 961-3336 at BFAR sa (045) 455-0823. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply