Price freeze nananatili sa 7 binagyong lugar sa Gitnang Luzon

PATULOY na pinapatupad ng Department of Trade and Industry (DTI) Regional Office 3 ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa pitong lugar sa Gitnang Luzon na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng mga bagyong “Pedring” at “Quiel.”

Ang pitong lugar ay ang lungsod ng Olongapo, Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac.

Sinabi ni DTI Central Luzon information officer Wilfred Carbonell na batay sa Section 6 ng RA 7581 o Price Act, ang automatic price control ay ipinatutupad sa ilalim ng state of calamity upang maiwasan ang kaguluhan na dulot ng overpricing ng mga basic goods gaya ng processed milk, de-lata, kape, bareta, detergent, kandila, tinapay at asin tuwing may kalamidad.

Kaya naman dapat nakapako pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa pitong nabanggit na lugar maliban sa mga agricultural products.

Sinabi pa ni Carbonell na maaring tumagal ng hanggang sa 60 araw ang price freeze simula sa deklarasyon ng state of calamity maliban na lamang kung tatanggalin ito ng Sangguniang Panlalawigan/Panglungsod/Bayan o ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Binanggit din ni Carbonell na maari namang magpatupad ng adjustment ang lokal na pamahalaan at DTI provincial office para sa dagdag gastos o nagastos sa pagdadala ng produkto sa pamilihan.

Ang mga pagbabago sa presyo ay dapat aprubahan ng National Price Coordinating Council o ng Pangulo at dapat ilathala ito sa mga dyaryong may pambansang sirkulasyon.

Nagbabala si Carbonell sa mga negosyanteng magsasamantala na magmumulta sila ng hanggang sa isang milyong piso o pagkakakulong ng isa hanggang limang taon.

Sakali namang hoarding ang kaso, maaring magmulta ng hanggang dalawang milyong piso o pagkakakulong ng lima hanggang 15 taon ang mga lalabag. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply