Promising theater actor si Markki Stroem

VERY promising na musical theater actor pala ang “Pilipinas Got Talent” finalist na si Markki Stroem. Mahusay siya sa Next To Normal kaya di naman halatang siya lang ang first timer sa teatro sa cast.

Sina Menchu Lauchengco-Yulo, Jett Pangan, Felix Rivera, Jake Macapagal at Bea Garcia ang mga kasamahan n’ya sa dulang ito tungkol sa pamilyang pilit nananatiling buo kahit na may mental ailment ang ina ng tahanan (na buong husay na ginampanan ni Menchu). May sakit na bipolarism ang ina bagama’t hindi naman siya bayolente, nakababagabag naman sa mister n’ya (na nakabibilib na ginampanan ng rock singer na si Jett) at sa nag-iisang surviving child nila (na ginampanan ni Bea) ang kapansanan n’ya.

Paminsan-minsan kasi, may weird behavior ang ina (tulad ng biglang paghahalayhay ng loaf bread mula sa mesa hanggang sa sahig para gawin daw n’yang sandwhich). May mga gabi ring di makatulog ang ina dahil hinihintay n’ya ang pag-uwi ng anak niyang lalaki– na 17 years nang patay! Sanggol pa ito nung yumao at ni hindi pa pinanganganak ang anak nilang babae nung yumao ang panganay na lalaki.

Pero sa isip nga ng ina, buhay at lumaki ang anak n’ya (na ang multo ay ginampanan ni Felix Rivera, na itinuturing nang Prince of Philippine Musical Theater). At sa utak n’ya, nakakausap at nakaaargumento n’ya ang kanyang anak.

Pero alam ng mister n’ya at ng anak nilang babae na halos laging ang gumugulo sa isip ni Diana Goodman (pangalan ng ina) ay ang yumao n’yang anak, at darating sa puntong ang anak na babae naman ang magpapaka-wild sa pagda-drugs at sa pagpunta-punta sa kung saan-saang bar sa gabi. Pero gaya ng kanyang nababaliw nang ina na hindi iniiwan ng mister nito, suwerte rin naman ng anak na babae na di siya iniiwan ng boyfriend n’ya (na ginampanan ng ni Markki) kahit nung nagwawala na siya at nagba-black out (hinihimatay) na sa kalye dahil sa kabangagan n’ya. The play implied na maraming beses na silang nag-sex sa kuwarto mismo ni Natalie (pangalan ng anak na babae), pero di pa rin siya tinakbuhan ni Henry (pangalan ni Markki sa play) maski na nu’ng drug addict na siyang maituturing.

Isang matinding drama at heart-rending musical ang Next To Normal na may last week- end pa sa Carlos P. Romulo Theater sa RCBC Plaza sa Ayala Avenue, Makati ngayong Oktubre 14-16. Produksyon ito ng Atlantis sa direksyon ni Bobby Garcia. Actually, repeat na lang ang napanood namin nung October 9 ng hapon, bagama’t nung Marso pa una ito itinanghal ng Atlantis.

Rave na rave ang mga review sa orihinal na pagtatanghal ng Atlantis ng Next To Normal, lalo na sa performance ni Menchu (na may bansag ng “First Lady of Philippine Musical Theater), kaya naengganyo ang Atlantis na itanghal uli ito ngayong Oktubre, kahit na two weekends lang.

Ang Backroom (na dating pinamumunuan ni Boy Abunda) ang publicist ng Atlantis, at kaya kami nakapanood nito ay through the kindness of our writer friend na si Almed Garcia, na isa mga executive ngayon ng kumpanya. (Dahil din sa pag-aasikaso ni Almed kaya nakapanood kami ng In The Heights, ang latest production ng Atlantis bago nila ni-repeat ang Next to Normal.)

Alam n’yo bang si Menchu ang isa sa dalawang directors ng Peter Pan ni Sam Concepcion na ipinapalabas naman sa Meralco Theater sa Ortigas Avenue, Pasig City. Which means, nu’ng gumaganap na maloka-lokang ina si Menchu sa Carlos P. Romulo Theater, lumilipad-lipad naman si Sam sa entablado ng Meralco Theater! At kapag hindi naman opening night ng isang matagalang pagtatanghal, okey lang naman na wala na sa subsequent shows ang director.

Remember, ilang buwan nang ni-rehearse ang isang play, kaya by the time of the opening night, perpekto na ito. For ceremonial purpose na lang kaya dumadalo sa opening night ang direktor. Pero required na laging andun ang stage manager na siya nang big boss ng produksyon sa bawat pagtatanghal.

Pero sa kaso ni Menchu, okey lang nga na waka siya sa dalawang weekends ng pagtatanghal ng Peter Pan. After all, may co-director siya ru’n: si Jaime del Mundo. Saka hanggang sa last weekend pa ng buwang ito ipalalabas sa Meralco Theater ang Peter Pan (na isa ring musical).

Samantala, marami pala ang di nakakaalam na matagal nang lumalabas sa musical theater si Jett, na mas kilala bilang lead vocalist ng bandang The Dawn.

Isa siya sa mga paboritong aktor ni Bobby Garcia. At para nga sa Next to Normal, walang ibang naisip na i-cast si Bobby bilang Dan Goodman (pangalan ng martir na mister) kundi si Jett. Tuwang-tuwa nga kami at sa wakas ay napanood na namin siya. Magkasing-galing sila ni Menchu, bagama’t mas maraming nahabag sa karakter n’yang bipolar at dinaramdam ang pagkamatay ng una n’yang anak.

Oo nga pala, ang Peter Pan sa Meralco Theater ay first ever co-production ng Repertory Philippines at Stages na siyang nagma-manage sa career nina Sam Concepcion,  Christian Bautista, Karylle at marami pang iba.

Sa pagri-research namin ay napag-alaman namin na si Markki pala ay mina-manage ni Erik Raymundo na personal manager din nina Sam Milby at Richard Poon. Di lang pala siya kumakanta kundi tumutugtog din ng piano at saxophone. Kasalukuyan siyang isa sa mga hurado sa It’s Showtime ng ABS-CBN. Isang tanghali nga ay natiyempuhan namin siyang tumutugtog ng sax sa show, kaya kilig na kilig sa kanya ang mahaderang si Vice Ganda.

May feeling kami na magiging major entertainment idol din si Markki.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply