Prostitusiyon ‘di malulutas sa apology ng US envoy – Ping

MALAKI ang paniniwala ni Sen. Panfilo Lacson na hindi malulutas ang lumalalang problema sa prostitusiyon sa paghingi ng patawad o apology ni US Ambassador Harry Thomas.

Sinabi ni Lacson na bagama’t tama lamang ang ginawang paghingi ng apology ni Ambassador Thomas sa kanyang paratang na 40 porsyento ng kalalakihang turista ay “sex” lamang ang pakay sa pagbisita sa bansa, hindi naman dapat upuan lamang ito ng Malakanyang na parang natapos na ang problema sa prostitusyon.

Binanggit ni Lacson na ang problema ng prostitusyon ay kakambal ng problema ng kahirapan sa bansa.

Kaya umano naghihirap ang ating bansa ay dahil ang mga dating nakaupo sa gobyerno ay kinukurakot ang pondo imbes na mapunta sa mamamayan.

“The sad fact is prostitution goes hand in hand with poverty, which is the source of our many problems. Corruption is the root cause of all these. A lot depends on our national leadership,” ani Lacson.

Samantala, tinanggap ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang paghingi ng apology ni Thomas sa naging pahayag nito kamakailan na 40 porsyento ng kalalakihang turista na nagpupunta sa Pilipinas ang naghahanap ng sex.

Kahit sa pamamagitan ng text message lamang ipinaabot ni Ambassador Thomas ang kanyang paumanhin kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert F. del Rosario, tanggap na rin ito ni Escudero.

“Bagamat text lang ata…ok na rin ‘yon,” ayon sa text message na pinadala ng senador.

Isa si Escudero sa umangal sa naging paratang ng US ambassador kung saan iginiit ng senador na dapat maglabas umano ng ebidensiya si Thomas na apat sa bawat 10 kalalakihang turista, kabilang na ang mga Amerikano, ay sex lamang ang pakay sa pagbisita sa bansa.

Tinanggap na rin ng Palasyo ang apology ni Ambassador Thomas. Ernie Reyes

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply