Publiko pinag-iingat sa pekeng pari ngayong Undas

MAG-INGAT sa mga pekeng pari na nagbabasbas sa mga puntod sa Undas.

Ito ang paalala ni Palawan Bishop Pedro Arigo sa mamamayan dahil sa modus operandi ng mga pekeng pari na naglilibot sa mga sementeryo upang magbasbas ng mga puntod at humingi ng abuloy o pera.

Sinabi ng Obispo na mabuting hingan ang pari ng ID celebret na nagpapatunay na maganda ang record ng pari.

“Napakagandang samantalahin ang Undas ng mga peke o nagpapanggap na pari para kumita ng pera at pagsamantalahan ang ating mga kababayan. Kaya sana mag-ingat sila at huwag basta magtiwala sa mga pumupunta sa puntod para magbasbas,” ani Bishop Arigo sa panayam ng Radyo Veritas.

Kaugnay nito, inatasan ni Kalookan Bishop Deogracias Iniguez ang lahat ng security guard sa La Loma Cemetery at iba pang sementeryo na nasasakupan ng Diocese ng Kalookan na hingan ng ID celebret ang lahat ng pari na magbabasbas sa mga puntod ngayong Undas.

Ginawa ni Bishop Iniguez ang kautusan para mapigilan ang masamang balak ng sinuman o mga pekeng pari na samantalahin at pagkaperahan ang paggunita ng mga mananampalatayang Katoliko sa Undas.

Nilinaw naman ni Radio Veritas846 President at Caritas Manila Executive Director Fr. Anton Pascual na madali lamang makilala ang totoo at pekeng pari.

Sinabi ni Father Anton na ang totoong pari ay mayroong dala-dalang ID celebret kung saan nakatala ang pangalan ng pari, kailan siya na-ordinahan at mayroong lagda ng Obispo ng Diocese na kanyang kinabibilangan.

Inihayag ni Father Anton na mahirap mapeke ang ID celebret dahil hindi nagagawa ng kung sinu-sino.

Ipinaliwanag ni Father Anton na bukod sa ID celebret, ang totoong pari ay hindi nagbabasbas ng mga puntod sa sementeryo dahil ang pagbabasbas ng mga puntod ay ginagawa lamang tuwing ililibing ang namayapa na.

Ayon kay Father Anton, maaaring magbasbas ang isang pari sa puntod kung ito ay personal na ni-request ng mga namatayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply