Puhunan at binhi ang kailangan hindi limos

DAPAT mabilis na magbuhos ang pamahalaan ng ayuda nito sa milyon-milyong mamamayang sinalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel.

Hindi uubra rito ang tatlong latang sardinas, isang kilong bigas, tatlong pirasong nudels,  ilang pirasong damit at ilang pirasong tableta laban sa pagtatae.

Dahil sa lawak ng kasiraan sa buhay ng milyong mamamayan sa bangis ng mga bagyo at nilikha ng mga ito na baha, buwan at taon ang bibilangin bago makabalik sa normal ang buhay ng mga biktima.

oOo

Para sa mga magpapalay lamang, limang buwan ang pinakamaigsing panahon para sa kanilang pag-aani kung muli silang magtatanim ngayon.

Ang mga naghahayupan gaya ng mga nag-aalaga ng baboy, kambing at iba pang katulad na hayop, ganito rin ang panahon ng kanilang pagbangon.

Ganito rin sa parte ng mga nasa pangisdaan, lalo na ang mga may fishpond. Malikot naman ang karagatan dahil sa mga bagyong dumarating at masamang panahon.

Magiging matumal naman ang pakikipagkalakalan ng mga negosyante lalo’t daan-daang libo katao ang ganap na nawalan kahit pambili man lang ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan.

Apektado rin ang hanap-buhay sa transportasyon sa paghinto at pagtumal ng ekonomiya ng milyong biktima.

Hindi pa kasali rito ang paghinto sa pag-aaral ng maraming bata, posibleng pagkakasakit ng marami dahil sa dumi ng paligid, kawalan ng kanilang makain, pagkawala ng tahanan at iba pa.

oOo

Sa ibang salita, maghahari ang gutom, kahirapan at iba pang masasamang kalagayan ng milyong mamamayan.

Dapat ibuhos ng pamahalaan ang hawak nitong yaman, kasama na ang mga taong pamahalaan, para muling makabangon at makalakad ang mamamayan.

Puhunan, binhi at iba pa ang kailangan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply