Pulis nakuryente sa cleaning operation

BINAWIAN ng buhay ang isang pulis nang aksidenteng makuryente habang naglilinis sa kanilang himpilan sa bayan ng Bacnotan, La Union.

Ang bikitma ay kinilalang si PO1 Jeck Niño Quilop, 26, nakatalaga sa Bacnotan Municipal Police Station at residente ng Barangay Amontoc, bayan ng San Gabriel sa nabanggit na lalawigan.

Ayon sa pahayag ng hepe ng naturang himpilan ng pulisya na si S/Insp. Ismael Gauna, abala sa paglilinis kahapon (Oktubre 14) ang kanyang mga tauhan sa paligid ng kanilang tanggapan bilang paghahanda sa isasagawang annual general inspection ng Philippine National Police (PNP) nang maganap ang pagkakakuryente ng biktima.

Umakyat umano sa isang punong kahoy si Quilop upang putulin ang ilang sanga nito nang hindi sinasadyang  nataga  ang kable ng koryente na nakatali sa kahoy na naging sanhi sa pakakasunog ng kanyang katawan.

Dahil dito, nahulog ang pulis mula sa 10 talampakang taas ng puno na kanyang inakyat at agad isinugod ng mga kasamahan sa Bacnotan District Hospital ngunit idineklara ito ng doktor na dead on arrival.

Ayon pa kay Gauna, ang naturang kable na nataga ng biktima ay nakakabit din sa isang poste ng kuryente at tinatayang mayroon itong 13,800 volts.

Sa ngayon, hinihintay ang paliwanag ng La Union Electric Cooperative kung bakit nakatali ang isang kable ng koryente sa naturang puno. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply