Punong sampalok

MAY puno ng sampalok sa aming bakuran.

Walang panahon na hindi kapaki-pakinabang ang punong sampalok.

Kung gusto mong magsinampalukan ng isda o karne, tumingala ka lang sa punong sampalok ay may pang-asim kang bunga o talbos.

At kay linamnam ang sinampalukang tsibug.

Hindi lang yan, may taglay pa itong Vitamin C na ikinasisigla ng mga nanghihina ang katawan.

Kung gusto mo naman ang mag-ulam ng manok, sa puno ring ito nananahan sa buong magdamag ang mga manok at pumikap ka lang sa kanila nang hindi mo kailangang manilo.

Sa kainitan ng araw, pupuwede mo ring paikutan ang puno ng papag at upuan at doon ka mahinga o magsiyesta.

At kung kailangan mo ang matibay na puno para limliman at pagtatalian kay Damulag, solb ka na sa puno ng sampalok.

oOo

Ang napapansin pa natin sa puno ng sampalok ay ang tibay nito na laruan ng kahit sinong magpraktis para maging Tarzan.

Mula sa puno hanggang sa maliliit na dulo ng mga sanga nito, napakatibay at hindi basta nababali at napuputol.

Matibay rin ito laban sa tag-araw at hindi basta natutuyo hanggang sa mamatay na lamang.

Lalong nagiging matibay ito sa tag-ulan at panay ang pamumulaklak at pamumunga nito.

Isa pa, hindi basta tinatamaan ito ng kidlat na talaga namang nakamamatay at nakatatakot.

Pero may kakaiba na napapansin natin sa punong sampalok.

Sa dapit-hapon, nagpapahinga ito, tumitiklop ang kanyang dahon, natutulog nang mapayapa sa buong magdamag at masiglang namumukadkad ang buong puno sa pagputok ng liwanag ng haring araw.

Paano kaya kung ang repablik ni Juan ay magkaroon ng katangiang mula sa puno ng sampalok?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply