R.I.P.

SA PARATING na Undas ay gusto kong magbigay-pugay sa mga namayapang mga karerista nitong mga nakaraang linggo at buwan.  Una ay ang sariling atin na si Maico Buncio, ang pambansang rider ng Pilipinas. Sa edad na 22 ay kinitil ang buhay ni Maico noong Mayo 15 pagkatapos siyang maaksidente habang nag-eensayo sa Clark International Speedway. Si Maico ang ating bagong pag-asa sana sa larangan ng superbike racing o big bike, kung tawagin.  Sa murang edad pa lang ay ipinakita na ni Maico ang kanyang angking talento sa pagmo-motor kaya maaga pa lang ay naging kampeon na nung siya’y teenager pa lamang.

Noong Oktubre 16 naman ay pumanaw rin ang Briton na si Dan Wheldon sa Las Vegas Motor Speedway sa Nevada, USA sa edad na 33-anyos.  Katulad rin ni Maico, si Wheldon ay naaksidente sa loob ng race track habang kumakarera sa IndyCar Series. Si Wheldon ay nagsimula sa go-kart noong kabataan niya at minsa’y tumakbo na rin dito sa Pilipinas sa Carmona Racing Circuit sa Carmona, Cavite. Nakalaban niya ang magigiting na mga Pilipinong kampeon na sila Richard Joson, Pepon Marave, Jojo Silverio at iba pa.  Si Wheldon ay 2-time Indy 500 winner at IndyCar Series champion.

At nitong nakaraang Linggo lamang sa Sepang International Circuit sa Malaysia, kung saan ako ay ipinadala ng Pilipinas Shell para sa finals ng Shell Advance 7 Riding Wonders of the World at manood ng 2011 Shell Advance Malaysian MotoGP, isang Italyano ang pumanaw sa race track pagdating ng lap 2 ng karera dahil sa freak accident: ang 24-anyos na si Marco Simoncelli. Tumatakbo ang binata para sa koponan ng Honda San Carlo Gresini. Si Simoncelli ay 2008 250cc world champion. Taong 2010 siya sumabak sa MotoGP na ang engine displacement ay 800cc.  Malaki ang potensyal na kanyang ipinakita sa bansang Australya noong Oktubre 16 nang makuha niya ang 2nd place trophy.  Ito ang pinakamagandang tapos ni Simoncelli sa MotoGP.

*****

Paalala po ng MMDA sa mga babyahe sa Okt. 31-Nob. 2 sa kalakhang Maynila, kung kayo po ay papasok ng NLEX at SLEX ay iwasan po ang Edsa at gumamit po ng ibang alternatibo tulad ng C-5, Katipunan, Tandang Sora, Congressional Ave. at Mindanao Ave. Maaari din po ninyong gamitin ang Mabuhay lanes ng MMDA tulad ng A. Bonifacio, C-3 Araneta, Magsaysay Boulevard, Nagtahan, Pres. Quirino Ave. at South Superhighway.

*****

Gusto ko pong pasalamatan si Ms. Vanessa Ejercito at ang mga bumubuo ng Pilipinas Shell sa pagpapadala sa akin sa Malaysia noong Oktubre 20-24 para sa paglunsad ng bagong Ducati Monster 795, Shell Advance 7 Riding Wonders of the World at sa Shell Advance Malaysian MotoGP.  Ito po ay isang karanasan na aking di malilimutan sapagka’t kami ni Al Camba ng Inside Racing magazine ay binigyan ng VIP treatment habang kami ay naroroon.  Iba ang pakiramdam pag naranasan mo ang Pilipinas Shell hospitality kahit saang parte pa ng mundo.
Salamat din ng marami sa Ducati Manila South sa pamumuno nila Gamby Lichauco, Dr. Don Ejercito at Bong Borja sa t-shirt na inyong binigay para sa launching ng Ducati 795 sa Kuala Lumpur. Kung hindi dahil sa inyo, ako lang ang hindi nakasuot ng pula noong gabing iyon.

***

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko din kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 33 and G-Sat ch. 7.

Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operators nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply