Responsable sa mining firms attack hahabulin ng gobyerno

HAHABULIN at papanagutin sa batas ng pamahalaan ang mga responsable sa pag-atake sa mga kompanya ng minahan sa Claver, Surigao del Norte kahapon.

Nilusob ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang Taganito Mining Corporation at Platinum Group Metals Corporation kung saan tatlong security guard ang namatay.

Mahigit 400 miyembro ng NPA ang naghasik ng kaguluhan sa nasabing lalawigan kung saan sinunog, pinasabog ang mga kagamitan at barge, dinis-armahan ang mga security guard at hinostage pa ang ilang empleyado.

Ayon kay Executive Secretary Jojo Ochoa, nagsisikap ang mga kinauukulan upang mapanagot sa batas ang mga may pakana at sangkot sa pag-atake.

Sinabi ni Interior Secretary Jesse Robredo, kahapon pa napalaya ang lahat ng bihag.

Ikinalulungkot naman ng awtoridad ang pagkasira ng malaking investment site sa lugar na sinasabing sinunog ng mga rebelde.

Ang Taganito Mining Corporation ay pag-aari ng Nickel Asia Corporation, ang pinakamalaking prodyuser ng nickel sa Pilipinas.

Samantala, iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi nagkaroon ng failure of intelligence sa insidente.

Sinabi ni PNP Spokesperson Police Chief Superintendent Agrimero Cruz, Jr., na sinamantala ng rebeldeng grupo ang pag-alis ng 68th Infantry Batallion ng Philippine Army sa lugar para sa retraining kaya ang mga pulis ang umasikaso sa nasabing bayan.

Ayon pa kay Cruz, umakto ang mga pulis matapos dumating ang reinforcement mula sa Special Action Force (SAF).

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply