Sa pagpasok ni ‘Ramon’ 3 dam pinatututukan ng PAGASA

INABISUHAN ngayon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang  mga opereytor Angat at Ipo dam sa Bulacan at La Mesa Dam sa Quezon City, na bantayan ang level ng tubig nito na maaaring umapaw dulot ng mga ulan na posibleng idulot ng tropical depression “Ramon.”

Nauna ng sinabi ng PAGASA na si Ramon ay maaaring magbuhos ng may lima hanggang 25 millimeter (mm) na tubig ulan bawat oras sa lawak na 300-kilometro.

Partikular na pinababantayan ng PAGASA ang tatlong nabanggit na dam dahil sa mga lugar na ito babagsak ang ulan.

Matatandaan, matapos na manalasa ng bagyong Pedring sa Luzon, napilitang magpalabas ng tubig ang Angat at Ipo dam bilang paghahanda sa kasunod na bagyong (Quiel) papasok sa bansa.

Dahil dito sinisi ng mga residente ng Bulacan ang mga naturang dam sa pagbahang naganap sa maraming bahagi ng lalawigan.

Samantala, magmula kahapon (Oktubre 10) maraming lugar na sa Mindanao ang inilagay sa storm signal number 1 dahil sa bagyong Ramon.

Sa huling forecast ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 360 kilometro sa silangan timog-silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna  at tinatahak ang direksyong pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras.

Bukas ng umaga (Oktubre 12) ang bagyong Ramon ay inaasahang nasa layong 100 kilometro sa hilagang silangan ng Hinatuan.

Sa Huwebes naman ay tinatayang nasa 90 kilometro hilaga ng Cebu City.

Kaugnay nito, inabisuhan din ng PAGASA ang mga awtoridad sa tourist spots gaya ng beaches, surfing areas at dive sites na pakiramdaman muna ang kondisyon ng panahon sa kanilang mga lugar bago gumawa ng mga kinakailangang hakbang.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply