Security measures para sa Undas ikinasa ng PNP

SINIMULAN na ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang paglalatag ng kanilang security measures kaugnay sa inaasahang pagdagsa ng milyong Filipino sa darating na All Saints Day sa iba’t-ibang sementeryo sa bansa partikular na sa Metro Manila.

Ayon kay PNP spokesman, P/Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr., ngayon pa lamang ay tinututukan na ng kapulisan ang mga pangunahing sementeryo sa kalakhang Maynila kasabay ng pagbabantay sa mga transportation terminal, piers at airports.

Nabatid na inutos na ni PNP chief, Director General Nicanor Bartolome, ang masusing pagmamanman at pagbabantay sa mga paliparan, seaports at higit sa lahat mga bus terminal na inaasahang dadagsain ng mga tao bago pa sumapit ang Undas.

Sinabi pa ni Cruz na maaga ang ginawa nilang paghahanda dahil inaasahang magdadagsaan ang mga kababayan nating Filipino sa Metro Manila at mga lalawigan ngayong ideneklara na ni Pangulong Benigno Aquino III na non-working holiday ang Oktubre 31 para mabigyang kaluwagan ang sambayan sa paggunita ng All Saints Day.

Magugunitang inihayag ng Malacanang ang long weekend simula Oktubre 29 araw ng Sabado habang non-working day naman sa Lunes, isang araw bago ang Undas.

Dahil dito hindi inaalis ng kapulisan na magiging siksikan din ang mga public places gaya ng supermarkets, shopping malls at iba pang commercial establishments.

Pero hindi lamang umano sa Metro Manila ang sentro ng ikinakasang security preparation ng PNP dahil tiyak din na magkakaroon ng exodus sa mga lalawigan ang mga Filipinong naninirahan at nagta-trabaho sa kalunsuran. Verlin Ruiz

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply